Drug laboratory sa Cavite, nadiskubre: Miyembro ng West African syndicate arestado

0
174

Dasmariñas City,  Cavite. Naaresto ng mga pulis ang isang miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) na sangkot sa pagpapakalat ng mataas na kalidad na mga droga sa bansa. Natuklasan din nila ang isang drug laboratory sa tirahan ng suspek sa isinagawang operasyon sa bisa ng search warrant kahapon sa isang subdivision sa Dasmariñas City.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Mosuke Benjamin alyas “Ato,” isang Uganda national at kasapi ng WADS na nago-operate sa Pilipinas.

Ayon sa ulat ni Cavite Provincial Director Police Col. Christopher Olazo, ginanap ang raid bandang 11:35 ng umaga ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) sa pangunguna nina Agent Abner Dotimas, Cavite Provincial Police Office, Police Col. Olazo, Cavite PPO, PIU, CPPO, Dasmariñas Chief of Police Col. Socrates Jaca, at PDEA Cavite.

Pumasok ang mga ahente ng NBI at mga pulis sa tirahan ng dayuhang suspek at natuklasan nila ang isang laboratoryo na ginagamit para sa paggawa ng droga. Nakuha dito ang iba’t ibang kemikal, raw materials, at mga paraphernalia para sa manufacturing ng droga.

Ang nabanggit na operasyong ay konektado sa isang naunang search warrant operation ng TFAID sa Metro Manila noong nakaraang linggo.

Naaresto ang suspek na inabutan sa nilusob na bahay at dinala sa NBI headquarters sa UN Avenue, Ermita, Manila.

Nakatakda siyang humarap sa mga alegasyon ng paglabag sa Article II, Seksyon 5 at 11 ng RA 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.