Imus City, Cavite. Sugatan ang isang hinihinalang drug trader sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Imus City kahapon.
Aarestuhin sana ng mga anti-illegal drug operatives ang mga drug suspect na sina Jeasalyn Tupaz at isang alyas “Bonbon” matapos magbenta ng shabu sa isang undercover na pulis sa Barangay Anabu bandang ala una kahapon.
Ng magpakilala ang mga operatiba bilang mga pulis, bumunot ng baril si Bonbon at binaril ang mga umaaresto ngunit ang tinamaan sa kanang paa ay si Tupaz.
Nakatakas si Bonbon patungo sa isang sapa matapos ang pamamaril, ayon sa report ng pulisya. Dinala naman ng pulisya si Tupaz sa Ospital ng Imus upang gamutin.
Narekober kay Tupaz ang apat na plastic sachet ng shabu na may bigat na 20 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php136K.
Itinuturing ng pulisya ang dalawang suspek bilang mga high-value na indibidwal.
Si Tupaz ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy na tinutugis ngayon ng pulisya si Bonbon.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.