DTI: Ang pagbenbenta ng hindi rehistradong self-test kit ay parurusahan ng batas

0
242

Pananagutin at parurusahan ang mga negosyanteng nagbebenta ng hindi rehistradong self-test antigen test kits para sa Covid-19, ayon sa babala ng Department of Trade and Industry (DTI) kahapon.

Ang babala ay ipinalabas ni  DTI Assistant Secretary at Consumer Protection Group Head Ann Claire Cabochan sa gitna ng pagdami ng mga online na bentahan ng pinaniniwalaang mga overpriced na self-test kits.

“For as long as it had not been authorized to be sold in the Philippines, it should not be sold whether in physical stores or in online store,” ayon sa kanya sa Laging Handa public briefing.

Sa kasalukuyan, walang self-administered antigen test kit na nakarehistro sa Food and Drug Administration (FDA).

Inatasan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III noong nakaraang linggo ang FDA na ihanda ang approval sa mga rehistradong self-test antigen test kits para sa Covid-19.

“First, we have to make a distinction. Iyong self-test kits, because they are not yet registered, they are not yet certified by the FDA as a product that can be sold in our market, wala po iyang SRP,” ayon kay Cabochan.

Sinabi niya na ang DTI ay nakikipag tulungan sa FDA upang mabilis na masubaybayan ang mga aplikasyon para sa mga certificate of registration ng produkto na kailangan upang payagan ang pagbebenta ng mga self-test kits na ito.

“Pinag-aaralan po iyan and I know that the FDA is fast tracking any applications for certificate of product registration to be issued. So, wala po iyang SRP, iyong mga self-test kits at this time, kasi wala pa naman talaga silang registration from FDA,” ayon sa kanya.

Samantala, tiniyak ni Cabochan na ang supply ng paracetamol na gamot sa mga banayad na sintomas ng Covid-19, ay inaasahang mag-normalize matapos makapagdagdag ang mga botika ng kanilang imbentaryo.

“Nagkaroon lang talaga po ng overwhelming demand. But last week, we have already received reports because we were working very closely with the manufacturers of these products, as well as the drugstore, iyong association of drugstore,” ayon pa rin kay Cabochan.

Inulit din niya ang kanyang babala laban sa pagbebenta ng mga pekeng gamot, at binanggit na maaari silang maparusahan ng multa, pagkakulong, o pareho.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs, ang mga taong gumagawa, nagbebenta at namamahagi ng mga pekeng droga ay mahaharap sa maximum penalty na habambuhay na pagkakakulong at PHP5 milyon na multa “dapat ang isang pekeng gamot ang malapit na dahilan ng kamatayan ng isang biktima.”

Ipinagbabawal din ng RA 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 ang pag-angkat, pagbebenta o pag-aalok ng mga pekeng gamot.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.