DTI-Laguna nagbabala sa publiko hinggil sa modus operandi ng LPG tanks safety check

0
862

Calamba, Laguna. Nagbabala sa publiko ang Department of Trade and Industry-Laguna Provincial Office (DTI-Laguna) laban sa modus ng isang grupo na nanlinlang sa pamamagitan ng pag-arte bilang mga tauhan ng DTI at iba pang ahente ng gobyerno para mag-check ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa bahay bahay.

Nakatanggap ang DTI-Laguna ng mga reklamo mula sa ilang residente tungkol sa mga hindi pa nakikilalang lalaki, ang ilan ay nagpakilalang mga kinatawan ng DTI, at Bureau of Fire Protection (BFP) na nagbabahay-bahay at nagsusuri sa mga tumagas na tangke ng LPG.

Kasabay nito, ang grupo ay nagbebenta ng LPG anti-leakage device o LPG safety device. Ipinababatid sa lahat na ang DTI-Laguna at iba pang ahensya ng gobyerno ay hindi nagbebenta at hindi awtorisadong magbenta ng mga naturang device.

Nagbabala ang DTI-Laguna sa publiko na huwag payagan ang sinuman na makapasok sa loob ng kanilang bahay ang mga manloloko para lang magpakita o mag-endorso ng produkto. Ito rin ay upang hindi sila mabiktima ng pagnanakaw. 

Pinapayuhan ang publiko na ireport sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya ang mga gumagala at nagbebenta ng ganitong uri ng safety devices at nagsasagawa ng nabanggit na modus operandi.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.