DTI: P1M na multa para sa mga lalabag sa ‘rice price cap’

0
389

Naglabas ng babala ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga negosyante na lalabag sa itinakdang ‘price cap’ para sa bigas, kung saan maaaring parusahan sila ng multa mula P500,000 hanggang P1 milyon.

Ipinahayag ito ni DTI Assistant Secretary Agaton Uvero, kasabay ng panawagan sa mga nagtitinda ng bigas na mag alay ng sakripisyo para sa kapakinabangan ng publiko. Ito ay matapos ipahatid ang mga reklamo mula sa mga maliit na tindahan ng bigas, na nagsasabing mawawalan sila ng kita kung susunod sila sa itinakdang price cap ng gobyerno na P41-P45 bawat kilo ng bigas.

“Hinihingi ng pamahalaan ang tulong ng mga nagtitinda na mag-ambag sa kapakanan ng mga mamamayan,” ayon kay Uvero. Sinabi pa niya na batay sa kanilang komputasyon, maaaring ibenta ang bigas sa naturang presyo nang hindi malulugi ngunit hindi rin lubos na kikita.

Binigyang-diin ng opisyal na pansamantala lamang ang price ceiling dahil sa inaasahang pagdating ng bagong imported na bigas, na magiging susi upang maging normal ang suplay ng bigas sa bansa. Bukod dito, malapit na rin aniya ang anihan ng palay.

Magiging epektibo ang price ceiling sa Setyembre 5, isang araw matapos itong ilathala sa mga pahayagan. Inaasahan ng DTI, kasama ang Department of Agriculture, na magpapadala sila ng mga tauhan sa mga palengke upang bantayan ang mga sumusunod at lumalabag sa price ceiling.

Ayon pa rin sa ulat, ang gobyerno ay nasa proseso ng pagbuo ng posibleng tulong pinansyal para sa mga ‘micro, small, at medium rice retailers’ na maapektuhan ng price ceiling.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.