MAYNILA — Patuloy ang pagdami ng mga opisyal at mambabatas na kumukondena sa mag-amang Senador Rodante Marcoleta at Rep. Paolo Henry Marcoleta bunsod ng kanilang mga pahayag na itinuturing na lantad na pagtatanggol sa China, sa gitna ng patuloy na panggigipit at panghihimasok ng Beijing sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Mariing tinutulan ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang mungkahi ni Sen. Marcoleta na isuko sa China ang Kalayaan Island Group (KIG), na malinaw umanong bahagi ng lalawigan ng Palawan at nasa loob ng soberanya ng Pilipinas.
“Hindi tayo papayag na isuko ang Kalayaan Island Group dahil malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas sa ilalim ng Saligang Batas, ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ng 2016 arbitral ruling,” pahayag ni Zubiri.
Kamakailan, iginiit ni Sen. Marcoleta sa isang sesyon ng Senado na maaaring isaalang-alang ang pagbibigay ng KIG sa China, dahil aniya ay kaalyado naman umano ito ng bansa. Kalaunan, itinanggi rin ng senador ang naturang pahayag.
“I will have to check first what Sen. Marcoleta really meant, especially since he is now denying the statement, and he should be given the chance to explain. Pero malinaw ang prinsipyo natin: ang Pilipinas ay atin, ang WPS ay atin, at ang KIG ay atin at hindi maaaring isuko kailanman,” dagdag ni Zubiri.
Binigyang-diin din ni Zubiri na may dalawang mahahalagang batas na ipinasa sa 19th Congress na nagpapatibay sa soberanong karapatan ng bansa sa WPS at KIG — ang Philippine Maritime Zones Act (Republic Act No. 12604) at ang Archipelagic Sea Lanes Act (Republic Act No. 12065). Ayon sa kanya, may mga aktuwal na Pilipino at pamayanang Pilipino sa KIG, kaya obligasyon ng pamahalaan na ipagtanggol ang lugar para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Samantala, mariin ding sinagot ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang mga pahayag ni Rep. Paolo Henry Marcoleta, na nagbiro sa social media hinggil sa umano’y paggamit ng isang “Coast Guard spokesperson” at ilang “senador” bilang “bala sa kanyon” sakaling magdeklara ng digmaan ang China laban sa Pilipinas.
Noong Pebrero 6, nag-post ang nakababatang Marcoleta sa Facebook na tinawag na “taksil” ang mga naninindigan para sa West Philippine Sea at inakusahan ang mga ito na inilalagay umano sa panganib ang mga Pilipino sa pamamagitan lamang ng “pahashtag-hashtag.”
Nilinaw ni Lacson na walang legal at moral na batayan ang mga mungkahing isuko ang KIG, at iginiit na malinaw sa batas at sa internasyonal na kasunduan na ang Pilipinas ang may-ari ng nasabing teritoryo.
Sa gitna ng tumitinding tensyon, lumagda rin ang 15 senador sa isang draft resolution na kumokondena sa kamakailang pahayag ng Chinese Embassy laban sa ilang opisyal ng Pilipinas, na umano’y lumalabag sa tinatanggap na pamantayan ng diplomasya at paggalang sa soberanya ng bawat bansa.
Pinagtibay rin sa resolusyon ang soberanong karapatan at responsibilidad ng Pilipinas na igiit, ilantad, at ipagtanggol ang pambansang interes at opisyal na posisyon nito alinsunod sa international law.
Uminit ang palitan ng pahayag sa pagitan ng Chinese Embassy at mga opisyal ng Pilipinas sa gitna ng patuloy na presensya at agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Para kay dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hindi dapat mangamba ang bansa sa epekto ng resolusyon sa diplomatic ties ng Pilipinas at China.
“Ibig ba sabihin dahil hindi nila gusto ang sinasabi ng mga opisyal natin, magpapasupil na lang tayo? Magpapa-bully na lang? Hindi maaari. Kailangang pumalag tayo,” ani Sotto.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





