Duterte dinala sa ICC clinic dahil sa kakulangan ng gamot; 9 kasabwat sa war on drugs, tinukoy

0
48

Dinala sa clinic ng International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang subaybayan ang kanyang kalagayan matapos magkaroon ng kakulangan sa gamot, ayon kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque, na bahagi ng kanyang legal team.

Ayon kay Roque, nagpadala sila ng mga tunay na gamot ni Duterte kasama ang reseta upang matiyak na hindi lamang substitute medicine ang ibibigay sa kanya. “Nagpadala rin kami ng tsinelas at medyas para sa kanya,” dagdag pa niya.

Sa kanyang unang pagharap sa korte, lumahok si Duterte sa pagdinig via video link matapos ihayag ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na may iniinda itong sakit. Ngunit ayon sa presiding judge na si Iulia Motoc, natukoy ng doktor ng korte na si Duterte ay nasa maayos na mental at pisikal na kondisyon.

Bago siya dalhin sa Netherlands, inilabas ng anak niyang si Veronica “Kitty” Duterte ang medical certificate ng dating pangulo, na nagpapakitang tumaas sa 328 ang kanyang glucose level at inirekomendang maospital upang maiwasan ang komplikasyon ng diabetes.

ICC: 9 Kasabwat ni Duterte sa War on Drugs, Tinukoy

Siyam na indibidwal ang itinuring ng ICC bilang co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyal na kampanya laban sa iligal na droga, batay sa aplikasyon ng warrant of arrest na inilathala sa website ng ICC.

Bagamat hindi isinapubliko ang pangalan ng karamihan para sa kanilang seguridad, pinangalanan sa dokumento si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na itinuturing na utak ng Oplan Tokhang, at si Vicente Danao, dating hepe ng pulisya sa Davao City. Binanggit din si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa kanyang dating posisyon bilang alkalde ng Davao City.

Kabilang sa ebidensyang isinama sa aplikasyon ang mga testimonya ng testigo, pampublikong pahayag ni Duterte, mga dokumento ng PNP at gobyerno, pati na rin ang drug watch list.

Tinukoy rin ang mga pag-amin ni Duterte sa publiko, kabilang ang kanyang pahayag na siya mismo ay may pananagutan sa libu-libong patayan sa war on drugs. Binanggit din ang kanyang sinasabing pagpopondo sa Davao Death Squad at ang kanyang viral na pahayag:

“Ang tanging kasalanan ko ay extrajudicial killings.”

Ayon sa mga abogado ng biktima, 6,000 kaso ang kanilang hinahawakan, ngunit 43 lamang ang isusumite sa ICC—19 noong alkalde pa si Duterte at 24 noong siya ay pangulo.

Pinili lamang ang mga kasong naglalarawan ng matinding karahasan sa giyera kontra droga dahil sa dami ng mga namatay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.