Duterte: Nananatiling ‘neutral’ ang paninindigan ng PH sa tunggalian ng Russia at Ukraine

0
375

Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes na mananatiling neutral ang Pilipinas sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa isang talumpati na binitiwan sa Palo, Leyte, tumanggi si Duterte na pumanig, sinabing mas gugustuhin niyang huwag makialam sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

“Itong neutrality na ‘to, we just maintain it,” ayon kay Duterte sa inagurasyon ng bagong Leyte Provincial Capitol at  turnover ng iba’t ibang government projects sa  Eastern Visayas.

Idiniin niya na ang Pilipinas ay hindi makikipag away kahit saang bansa. 

“Hindi natin away iyan, huwag tayong makialam,” ayon sa kanya.

Gayunpaman, sinabi niya na siya ay nag aalala sa posibleng epekto ng salungatan sa pagitan ng Russia at Ukraine sa buong mundo, kung sakaling ito ay lumala at umabot sa isang nuclear war.

“If it goes nuclear, that’s the end of the world. Tapos na talaga lahat,” ayon kay Duterte.

Ang International Court of Justice (ICJ), ang pinakamataas na hukuman ng United Nations (UN) para sa mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga estado, ay nag-utos sa Russia na agad na itigil ang mga aksyong militar sa Ukraine, na sinasabing ito ay “labis na nag-aalala” sa paggamit ng Moscow ng pwersa. 

Nagsampa ng kaso ang Ukraine laban sa Russia sa harap ng ICJ noong Pebrero upang magsagawa ng mga paglilitis laban sa pagsalakay ng Moscow.

Inamin ni Duterte na ang kasalukuyang sitwasyon ni Russian President Vladimir Putin ay “nakakasakit” sa kanya dahil itinuring niya ang huli bilang kanyang “kaibigan.”

“Ako diyan sa Russia, nasasakitan ako. Kaibigan ko si Putin eh. He’s a personal friend,”ayon sa kanya.

Sa inagurasyon ng Narvacan Farmers’ Market sa Ilocos Sur noong Marso 4, sinabi ni Duterte na kailangang manatiling neutral ang Pilipinas hanggang sa itulak ng “reality” ang bansa na “pumili kung saan tayo papanig.”

Kinilala rin ni Duterte na isa nang “suicidal” leader si Putin.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.