Duterte, ‘pivotal’ sa libo-libong pagpatay, ayon sa ICC

0
135

THE HAGUE, Netherlands — Iginiit ng mga prosecutor ng International Criminal Court na naging “pivotal” o mahalaga ang papel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y libu-libong extrajudicial killings kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.

Sa pagdinig ng pretrial sa The Hague nitong Lunes, sinabi ng mga tagausig na hinikayat umano ni Duterte ang mga death squad na magsagawa ng pagpatay gamit ang takot at pinansyal na gantimpala. Nahaharap ang dating pangulo sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng madugong anti-drug crackdown noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.

Ayon kay Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, nagsagawa umano ang ilang pulis at hit squad members ng dose-dosenang pagpatay sa utos ng dating lider, bunsod ng pangakong pera o upang maiwasang sila mismo ang maging target. “For some, killing reached the level of a perverse form of competition,” ani Niang sa kanyang opening statement.

Nilinaw ng hukuman na ang pagdinig ay hindi pa ang aktuwal na paglilitis kundi bahagi ng proseso kung saan ilalatag ng prosekusyon ang kanilang ebidensiya. May 60 araw ang mga hukom upang magpasya kung sapat ang mga ito para ituloy ang paglilitis.

Sa panig ng depensa, sinabi ni lead counsel Nick Kaufman na nananatiling inosente si Duterte. “Duterte stands behind his legacy resolutely, and he maintains his innocence absolutely,” aniya sa tatlong-hukom na panel. Iginiit din ng depensa na “cherry-picked” umano ang mga pahayag ng dating pangulo at hindi ito sinadyang mag-udyok ng karahasan.

Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig matapos niyang i-waive ang kanyang karapatang personal na humarap. Noong nakaraang buwan, pinasya ng mga hukom na siya ay fit to stand trial matapos maantala ang naunang pagdinig dahil sa pangamba sa kanyang kalusugan.

Sa Pilipinas, nagprotesta sa Metro Manila ang mga aktibista at kaanak ng mga nasawi sa kampanya kontra droga. Mahigit 100 kamag-anak ang nanood ng live broadcast ng pagdinig sa tatlong venue sa National Capital Region na inorganisa ng mga civic group.

“We’re hoping that the ICC, even if it’s thousands of miles away, will finally render justice to all these families,” ayon kay Randy delos Santos, volunteer sa isang charity shelter na nag-host ng viewing event. Ang kanyang 17-anyos na pamangkin ay napatay ng tatlong pulis sa isang umano’y drug raid noong Agosto 2017, isang insidenteng nagdulot ng matinding public outcry at nagresulta sa rare conviction ng mga sangkot na opisyal ng pulisya sa isang korte sa Maynila.

Samantala, kinuwestiyon ng ilang tagasuporta ni Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng pag-aresto at pagsuko sa dating pangulo sa ICC, na anila’y walang hurisdiksiyon matapos ang pagkalas ng Pilipinas sa korte. Kabilang sa mga kritiko ang anak ni Duterte na si Sara Duterte, na kasalukuyang bise presidente at naghayag kamakailan ng planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.

Nag-ugat ang kaso nang ihayag ng ICC prosecutors noong Pebrero 2018 ang pagbubukas ng preliminary investigation sa madugong drug war. Makalipas ang isang buwan, inanunsiyo ng noo’y Pangulong Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatatag sa ICC, isang hakbang na ayon sa human rights groups ay pagtatangkang umiwas sa pananagutan.

Tinanggihan ng mga hukom ang mosyon ng kampo ni Duterte na ibasura ang kaso dahil umano sa kawalan ng hurisdiksiyon kasunod ng withdrawal ng bansa. Sa kanilang desisyon, binigyang-diin na hindi maaaring “abusuhin” ng mga estado ang kanilang karapatang umatras mula sa Rome Statute “to shield persons from justice in relation to alleged crimes that are already under consideration.” Nananatiling nakabinbin ang apela kaugnay nito.

Nagkakaiba-iba ang tantiya sa bilang ng mga nasawi sa ilalim ng drug war ni Dutertem, ula sa mahigit 6,000 ayon sa Philippine National Police, hanggang sa tinatayang aabot sa 30,000 batay sa ulat ng iba’t ibang human rights groups.

Habang nagpapatuloy ang proseso sa The Hague, nananatiling sentro ng pambansang diskurso ang usapin ng pananagutan, hurisdiksiyon, at ang epekto ng kampanya kontra droga sa libu-libong pamilyang Pilipino.

With reports from Associated Press

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.