Duterte sa Kongreso: Gawing transparent ang e-sabong sa pamamagitan ng legislation

0
504

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso kahapon na i-regulate ang “e-sabong” o online cockfighting sa pamamagitan ng pag-isyu ng mga legislative franchises, na magbibigay-daan sa higit na “transparency” sa pagsubaybay sa mga aktibidad ng e-sabong.

Sinabi ito ng pangulo matapos ireport ng kanyang kaalyado na si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na tinitingnan ng mga senador ang paglilipat ng awtoridad na mag-isyu ng permit para sa e-sabong mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) patungo sa Kongreso.

“Ang gusto ko lang i-legislate ninyo kasi ‘yung lahat ng mga may-ari ng franchise, you know them, alam ninyo. Diyan ako medyo ano. Ang misgivings ko are the people behind e-sabong…Then you can pass a law making it transparent,” ayon kay Duterte sa kanyang talumpati sa Malacañan Palace.

Ipinagtanggol ni Duterte ang kanyang desisyon na payagan ang patuloy na operasyon ng e-sabong, at binanggit na kailangan ng gobyerno ng pera.

“You can legislate, nasa inyo ‘yan pero kailangan ko ng pera. Huwag kang maniwala na (it’s up to you but I need money. Do not believe that) we are awash with money. We have none,” dagdag niya.

Muli niyang iginiit na ang gobyerno ay kumikita ng mahigit PHP640 milyon kada buwan mula noong Enero mula sa aktibidad ng online na pagsusugal.

Sinabi ni Duterte na ang pagkawala ng 31 “sabungero” ay isang bagay na dapat ipaubaya sa pulisya.

“It’s a police matter pero huwag ninyong iano kasi sayang (but do not suspend operations because it would be a waste),” ayon sa kanya.

Gusto rin daw niyang personal na makausap ang mga mismong e-sabong operators.

“Gusto ko nga tawagin eh, gusto ko tawagin lahat ng operators. Sabi ko you are into this kind of business at ano lang ng gobyerno, it’s a privilege actually which can be taken,” ayon sa kanya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.