E-bike, e-trike balak nang iparehistro ng LTO

0
348

Pinaplano na ng Land Transportation Office (LTO) na mairehistro na ang mga e-bicycle at e-tricycle sa bansa. Ito ay dahil parami na umano ng parami ang mga e-bike at e-trike at nagiging cause of concern.

Bukod dito, nais din ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at LTFRB na obligahin na ang mga driver ng mga naturang sasakyan na kumuha ng lisensiya bago payagang magmaneho. “Nakikita namin na ­parami nang parami… para habang hindi pa ganoon karami na nakaka-obstruct na ng traffic, na ‘yung major accidents ang nako-cause niya, ay ma-address na namin kaagad,” sabi ni MMDA Acting Chairman Romando Artes.

Ang mga e-vehicle units, e-tricycles, e-bikes, e-pedicables, e-scooters, push carts, at kuliglig sa mga kalsada ay hindi lamang nagpapabagal sa daloy ng trapiko kundi nagdadala rin ng panganib sa mga driver, pasahero at pedestrians.

Ang pagdami ng bilang ng e-vehicles ay dahil na rin sa paggamit nito nang hindi na kailangang iparehistro at hindi na kailangang kumuha ng lisensya. “When these e-vehicle users violate the law, how can we issue a traffic violation ticket if the users do not possess a license? We also cannot charge the vehicle owners because they are not registered,” ayon kay Artes.

Batay sa monitoring ng MMDA, kahit menor-de-edad ay nakikitang nagmamaneho ng e-vehicles sa national highways at ang ilan ay hindi man lang nagsusuot ng helmets o protective gears. Inabisuhan na rin ang mga LGU sa Metro Manila na magsumite sa Lunes ng isang listahan ng kanilang sariling mga ordinansa, regulasyon, at programa, partikular sa ang paggamit ng mga electric vehicles para sa hanapbuhay, upang maplantsa ang mga issue.

Sa panig naman ni LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz, sinabi niya na ang pagdami ng e-trikes ay nakakaapekto sa plano ng pamahalaan sa modernization ng public utility vehicles (PUVs).

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo