Inaasahang simulan na sa Abril 15 ang patakarang magbabawal sa paggamit ng mga e-bikes, e-trikes, at tricycle sa mga national roads sa National Capital Region (NCR).
Kinumpirma mismo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes ang nasabing patakaran sa isang news briefing kamakailan lang.
“We will implement ito by April 15. But we will consider pa rin iyong ibang suggestions. Nag-aagree naman sila na kailangan i-regulate,” ayon kay Artes.
Dagdag pa ni Artes, sa isinagawang pulong sa mga stakeholders, malinaw na ang kanilang ipatutupad ay hindi isang lubos na ban. “Hindi naman pagbabawalan ang mga naturang behikulo na lumabas ngunit hindi lamang sila maaaring dumaan sa mga national roads, kung saan hindi naman talaga sila nararapat,” aniya.
Ayon sa MMDA, kabilang sa mga national roads na hindi maaaring daanan ng mga e-bikes, e-trikes, at tricycles ang mga sumusunod: Roxas Boulevard, Taft Avenue, SLEX, Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Magsaysay Blvd/Aurora Blvd., Quezon Ave./ Commonwealth Ave., A. Bonifacio Avenue, Rizal Avenue, Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway, Recto Avenue, Pres. Quirino Avenue, Araneta Avenue, Epifanio Delos Santos Avenue, Katipunan/C.P. Garcia, Southeast Metro Manila Expressway, Elliptical Road, Mindanao Avenue, at Marcos Highway.
Ipinunto rin ng MMDA na ang pagpapatupad ng regulasyon sa mga e-vehicles ay para sa kaligtasan ng mga driver, pasahero, at pedestrian.
Bilang ulat ng MMDA, noong 2023, apat na katao ang nasawi sa mga insidente ng road crash na kinasasangkutan ng e-bikes, habang 436 naman ang nasugatan at 468 ang nasirang ari-arian.
Paalala ng MMDA, ang mga lalabag sa patakaran ay papatawan ng multang P2,500.
Samantala, inihayag din ng MMDA na maglalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng hiwalay na patakaran hinggil sa pag-require ng lisensiya at rehistro para sa mga driver ng e-bikes at e-trikes. Lahat ng e-vehicle na hindi rehistrado ay kanilang ipapa-impound.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo