ECOP: Employers, hindi pa handa sa P100 taas sahod

0
235

Hindi pa handa ang mga employers na tuparin ang panawagan ng ilang Senador na itaas sa P100 across-the-board ang minimum wage ng mga manggagawa sa bansa.

Sa isang media briefing sa Quezon City, ipinaliwanag ni Sergio Ortiz –Luis Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at presidente ng Philippine Exporters Confederation, Inc. (Philexport), na hindi pa ito ang tamang panahon para sa wage hike dahil maraming employers ang hindi pa nakakaangat mula sa epekto ng pandemya.

Kaugnay nito, sinabi ni ECOP Director at Phil. Chamber of Commerce & Industry (PCCI) Labor & Employment Committee Chairman, Arturo “Butch” Guerrero, na dapat magkaroon muna ng multi-sectoral consultations sa pagitan ng mga stakeholders hinggil sa usapin ng pagtaas sa sahod bago magdesisyon.

Ayon sa kanya, ang anumang mabilisang aksyon para rito ay magdudulot ng malaking epekto sa business sector, lalo na’t maraming negosyante pa ang nagsisikap na makabangon mula sa pandemya, lalo na ang mga negosyo na nasa micro, small, at medium-scale enterprises (MSMEs) na may malaking bilang ng workforce.

Hinikayat naman niya ang mga senador na hayaan munang pag-isipan at pag-aralan ng Regional Wage Boards ang isyu upang maiwasan ang malalang pinsala sa sektor ng pagnenegosyo at mapanatili ang ekonomikong katatagan ng bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo