MAYNILA. Ipinagpaliban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA na dapat sana’y magsisimula sa Hunyo 13. Ginawa ng Pangulo ang desisyon bilang tugon sa panawagan ng publiko.
Ayon sa Pangulo, kailangan pang pag-aralan ang proyekto sa loob ng isang buwan upang matukoy kung may mga bagong teknolohiya na makakatulong sa mas mabilis na rehabilitasyon. “Pause muna doon sa ating rehabilitation. Huwag muna nating gagawin dahil pag tinitingnan natin yung cost-benefit and analysis, maganda sana kung maayos natin. Ngunit ang laking sakripisyo nu’ng dalawang taon. Masyadong mabigat, mahigpit ang traffic,” ani Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalagang makagawa ng maayos na plano upang mapabilis ang dalawang taong rehabilitasyon. “Bigyan natin ang sarili natin ng isang buwan. Pag-aralan natin itong bagong teknolohiya na nakikita natin. Gumawa tayo ng magandang plano. Baka naman imbes na dalawang taon, magawa natin sa isang buwan. Tingnan natin kung anong available sa atin,” sabi pa niya.
Aminado si Marcos na maraming motorista ang mahihirapan kapag sinimulan na ang rehabilitasyon. Ayon naman kay DOTr Secretary Vince Dizon, pinakinggan ng Pangulo ang payo ng mga eksperto at ang hinaing ng mga residente ng Metro Manila. “And he has also listened to experts who have informed him na mas may epektibong paraan at bagong teknolohiya na puwede nating gawin nang mas mabilis,” ani Dizon.
Ang rehabilitasyon ng EDSA ay inaasahang tatagal hanggang 2027 o isang taon bago matapos ang termino ni Marcos kung ito ay ipagpapatuloy.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo