Edukasyon, POGO, at ang ‘sana’ kada SONA

0
661

Sa pagbubukas ng ikatlong regular na sesyon ng ikalabing siyam na Kongreso, maximum tolerance ang pinairal umano sa paligid ng Batasang Pambansa dahil nga sa kinaaabangang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa maulang hapon ng Hulyo 22. Alamin natin ang katotohanan diyan sa mga police-beat reporter sa Quezon City maging sa mga pinuno ng mga kilos-protesta sa loob ng tatlong araw. Iyon na nga’t natuloy ang talumpati niyang meron mga “pasabog” na sa tingin naman ng iba’y kalkulado na at natural lamang na banggitin.

Tatlo sa mahahalagang paksa sa naitalumpati ang nais nating bigyan ng reaksyon:

Una, hindi raw kathang isip ang West Philippine Sea, kundi atin ito. Pinasalamatan pa niya ang mga sundalo sa pagtataguyod ng depensa sa teritoryo ng bansa. Pangalawa, nagbigay-hamon ang Pangulo sa wala pang isang linggong nakaupong bagong kalihim ng edukasyon, kasabay ng pagbibida ng mga nagawa na at gagawin pa sa pampublikong basic education at higher education sa ilalim ng DepEd at CHED (may maiksing banggit din sa TESDA). Pangatlo, ang agarang paglalansag ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

May diin at mukhang ayaw paawat sa Tsina ang Commander in Chief. Sa larangan ng international relations, importante ang mariing pahayag niya ng tamang pag-angkin sa teritoryo, sa maritime security, at sa pagpapalakas kahit man lang ang loob ng tumatao para sa ating tanggulang pambansa sa nadesisyunan na ng UNCLOS pabor sa Pilipinas, pero “pinag-aagawan” pa rin sa mga aktwal na pangyayari at dokumentadong ulat ng pangha-harass ng kalapit bansa nating bully.

Kailangang pagbutihin ni dating senador at ngayo’y Education Secretary Sonny Angara ang pamumuno sa kagawaran lalo na’t may malulungkot na usapin, ayon sa Pangulo, sa kahinaan sa krikal na pag-iisip, mga mabababang marka sa matematika, agham, at pag-unawa sa mga binabasa ng mga kabataang mag-aaral sa mga pandaigdigang assessment.

Hindi sapat itong pagtutulak sa bago niyang itinalagang lider sa edukasyon kung salat sa detalye ng implementasyon sa mga patakarang pampaaralan, pangguro, pandagdag-sweldo, at holistic approach ng pangangalaga sa mga mag-aaral. Ito’y OK pa rin dahil hindi na yung dating nakaupo sa kagawarang may pinakamataas na badyet taon-taon ang pag-uusapan natin at ang kanyang mga hindi nagawa.

Isinabay sa SONA ang pagpapalabas ng malisyosong video na gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot si Marcos Jr. na itinuring namang isip-bata ang pagkakagawa ng palabas sa social media sa labas ng bansa sa tingin ng Defense Secretary.

Kapansin-pansing hindi binanggit sa SONA si Vice President Sara Duterte, kaya walang aasahang konkretong pamamaraan para mapagtibay at mapagkaisa ang mga pulitikal na gawain ng pamahalaan. Sa kabila ito ng itinulak na kampanyang “unity” dalawang taon pa lamang ang nakararaan noong magsanib-pwersa ang mga Marcos at mga Duterte sa eleksyon. Hindi sinipot ng VP at bagong bitaw na Education Secretary ang pagtatanghal ni Marcos na hindi naman pinatagal at umabot lamang ng humigit kumulang isa’t kalahating oras.

Nakabawi ang Pangulo sa pagsasara ng mga POGO at tama namang sabihing moral na responsibilidad ito ng administrasyon. Naglipana ang mga salot sa lipunan, pekeng negosyo at scam, pati karahasan na lalong napatunayan umano ng mga otoridad matapos ang kanilang sunod-sunod na pagsalakay sa mga ilegal na gawain sa bisa ng mga search warrant ng mga korte.

Napunan na ng malakihang pondo ang Maharlika Investment Fund, pero hindi ito nabanggit sa talumpati. Kung bakit hindi ipaalam sa publiko ang estado ng pondo at detalyadong alokasyon sa mga uunahing sektor ng enerhiya, imprastraktura, at agrikultura matapos ang unang taon ng pagkakatatag ng MIF ay hindi ko alam, at wala ring nakaaalam kung sinong tagapayo/PR expert ang nagpayo para ikubli ito sa mahalagang taunang talumpati. At ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagkain, lalo na ang bigas, may pakiramdam si Pangulong Marcos na ikinalulugmok ito ng mga mahihirap, pero nai-bida pa rin niya ang kakarampot na mga paninda mula sa mangilan ngilang KADIWA Centers.

Nasa 100 ang performance rating ni Marcos Jr. kung tatanungin ang isa sa mga tagapayo niyang si Larry Gadon.

Tuloy ang pagmamatiyag. Sana lang. Ganyan naman kada SONA.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.