BATANGAS CITY. Sugatan ang isang pulis at hinihinalang nagbaril sa sarili ang suspek sa isang engkwentro sa Batangas. Naganap ang insidente sa lungsod na ito noong Sabado.
Ayon sa ulat ng Batangas City Police Station, isang grupo ng lokal na pulis ang naglunsad ng follow-up operation at natagpuan nila ang kanilang target na si Aristotel De Chavez sa isang kwarto ng isang hotel sa Barangay Sta. Rita Karsada bandang 9:40 p.m.
Sa halip na sumuko, binaril ni De Chavez ang mga awtoridad, at isang bala ang tumama sa hita ni Staff Sergeant Paciano Asilo.
Nagkaroon ng palitan ng putok, kung saan pinagtanggol ng mga pulis ang kanilang sarili. Matapos ang insidente, natagpuan ang bangkay ni De Chavez na may tama ng baril sa ulo sa loob ng kwarto.
Ayon sa imbestigasyon, posibleng nagpakamatay si De Chavez sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili gamit ang kanyang baril, ngunit hindi tinukoy ang kalibre ng baril sa ulat.
Nadala si Asilo sa ospital para sa kaukulang lunas at ngayon ay nasa maayos na kalagayan.
Batay sa impormasyon ng pulisya, si De Chavez ay isang suspek sa isang insidente ng pamamaril sa Brgy. Balagtas noong Sabado madaling araw. Nakatakas si De Chavez at nagtago sa loob ng isa sa mga kwarto ng nilusob na hotel.
Isinailalim sa post-mortem examination at autopsy ang bangkay ni De Chavez upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.