Engkwentro sa Cavite: 3 barangay tanod patay sa pamamaril

0
494

CAINTA, Rizal. Nagwakas ang buhay ng tatlong barangay tanod ng Brgy. San Juan sa bayang ito sa Rizal matapos pagbabarilin ng isang lalaki noong Sabado ng hapon, ika-26 ng Agosto.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente matapos bugbugin ng isang lalaki ang isang residente ng lugar. Dahil sa pangyayaring ito, nagreklamo ang mga kapitbahay sa mga barangay tanod na agad namang umaksyon at pumunta sa tahanan ng isinumbong na suspek sa isang subdibisyon.

Ayon kay Cainta Police Officer-in-Charge PMaj. Jake Cariño, “Barangay invite lang sana siya, ngayon pagdating nila sa bahay ng suspect pinaputukan kagad sila, so tatlo agad yung patay na mga tanod, at saka yung suspect lumabas pa at talagang gustong mamaril.”

Dahil sa pangyayaring ito, isang concerned citizen ang tumawag sa mga pulis. Nang dumating ang mga pulis sa eksena, inabutan nilang wala nang buhay ang mga biktima na tinamaan ng mga bala sa likod at dibdib.

Nagkaroon ng negosasyon ang mga pulis upang hikayatin ang suspek na sumuko. Subalit, tumagal ito ng anim na oras. Ayon kay Cariño, “Past 3:00 na, tapos itong nangyari na mga 9:00 napasok. Ginamit namin lahat ng option namin, remedy namin, pero wala talaga, hindi na talaga nagmamatigas na talaga siya.”

Sa huli, nang pumasok ang assault team ng SWAT sa bahay, doon na sila pinaputukan ng suspek. “Kasi may salamin doon sa baba so nakita ng suspect yung pagpasok nila kaya pinaputukan sila, so buti na lang may gamit na shield kaya may proteksyon ang SWAT natin,” dagdag pa ni Cariño.

Sa yugtong ito, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at ng suspek hanggang sa napatay ang suspek matapos mabaril sa dibdib, habang nasugatan naman sa pisngi ang isang miyembro ng SWAT.

Walang criminal record ang suspek at batay sa pakikipag-usap sa anak nito, naranasan umano ng suspek ang depresyon matapos magka-problema sa trabaho at pamilya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.