Environmental at septage fee ng SPCWD, bakit kailangang bayaran ng mga consumer

0
141

SAN PABLO CITY — Maraming customer ng water district ang nagulat nang makita ang “environmental fee” o “septage fee” sa kanilang buwanang bill. Isa sa pinaka-karaniwang tanong ng mga konsyumer: “Legal ba ito? Bakit tayo sinisingil?”

Ayon sa Republic Act No. 9275, may tungkulin ang mga lokal na pamahalaan at water districts na magpatupad ng maayos na septage at wastewater management programs upang maiwasan ang polusyon sa mga ilog, lawa, at iba pang pinagkukunan ng tubig. Sa ilalim ng sistemang ito, maaaring makipagtulungan ang local government unit (LGU) sa water district sa pagpapatupad ng sanitation programs at paglikha ng mga pasilidad tulad ng septage treatment plant, habang pinapayagan naman ang water district na maningil ng kaukulang bayarin upang matustusan ang operasyon.

Ano ang environmental o septage fee?

Ang environmental o septage fee ay karagdagang singil sa water bill na ipinapataw ng mga water district upang pondohan ang kanilang Sanitation at Septage Management Programs. Kabilang sa mga layunin nito ang regular na paglilinis at pagpapasipsip ng mga septic tank, tamang pag-treat at pag-dispose ng dumi (septage) at wastewater, at ang pagprotekta sa kapaligiran, mga ilog, lawa, at iba pang pinagkukunan ng tubig.

Sa ibang water districts, ang septage fee ay batay sa dami ng tubig na ginagamit, habang sa iba naman, tinatawag itong environmental safety fee at kasama na sa bill.

Ang San Pablo City Water District (SPCWD) haliombawa, ay nagpatupad ng environmental fee na may kwentang ₱35.20 para sa unang 0–10 cubic meters (cu.m) ng tubig. Kapag lumampas sa 10 cu.m, may dagdag na ₱3.52 kada isang cu.m para sa sobrang konsumo. Kasama na rito ang 2% franchise tax. Halimbawa, kung gumagamit ang isang customer ng 8 cu.m, ang kabuuang bayad ay ₱35.90; kung 15 cu.m, ang bayad ay ₱53.86; at kung 25 cu.m, aabot sa ₱89.76. Sa ganitong paraan, masusuportahan ng fee ang septage treatment facility at regular na desludging operations ng SPCWD.

Bakit kailangang magbayad?

Nakasaad ito sa Republic Act No. 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004, na nag-uutos sa mga institusyon, kabilang ang water districts, na magpatupad ng wastewater at septage management systems upang maiwasan ang polusyon.

Ayon sa Republic Act No. 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004, inaatasan ang mga institusyon, kabilang ang mga water district, na magpatupad ng wastewater at septage management systems upang maiwasan ang polusyon. Sa madaling sabi, hindi libre ang pag-treat ng dumi at wastewater, dahil kailangan ng pondo para sa kagamitan, treatment plant, at mga operasyon sa desludging. Pinapayagan ng batas ang mga water district na maningil ng environmental o septage fee upang masuportahan ang mga paghahanda at proyektong ito.

Ano ang sinusunod ng mga water district?

Bago ipatupad ang environmental o septage fee, karaniwang isinasagawa ng mga water district ang ilang hakbang. Kabilang dito ang public hearing upang ipaliwanag sa mga konsyumer ang planong singil, at pagpapakita kung paano gagamitin ang kolektadong pondo para sa sanitation programs. Sinisiguro rin ng mga water district na nasusunod ang mga patakaran ng Local Water Utilities Administration (LWUA) upang maging transparent at maayos ang implementasyon.

Legal ba ito?

Oo. Legal ito at bahagi ng mandato ng Clean Water Act. Hindi lang iniutos ng batas ang pagkakaroon ng sanitation programs, may kaakibat ding parusa para sa hindi pagsunod gaya ng multa mula P10,000 hanggang P200,000 kada araw ng violation at posibleng closure o suspension ng operasyon hanggang maitama ang kakulangan Kung seryoso ang paglabag at nagdudulot ng malaking pinsala sa kapaligiran, mas mataas ang parusa.

Bakit galit ang ilang konsyumer?

Ilang consumer ang nagtataka at nagagalit dahil sa mga bagong singil. Ayon sa kanila, hindi malinaw kung ano mismo ang kanilang binabayaran, kulang ang impormasyon bago ipatupad ang mga singil, at hindi agad nakikita ang benepisyo sa kanilang lugar.

Pinapayuhan ng LWUA at mga eksperto na mas ipaliwanag ng water districts kung paano ginagamit ang kolektadong pondo upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan.

Ano ang dapat malaman ng konsyumer?

Dapat malaman ng mga konsyumer na ang environmental o septage fee ay hindi singil sa tubig, kundi pondong nakalaan para sa sanitation at proteksyon sa kapaligiran. Bago ipatupad ang anumang singil, kinakailangang magsagawa ng public consultation upang malinaw sa publiko ang layunin at pamamaraan. Mayroon ding batas na nag-uutos at nagpapataw ng parusa kung ang mga programa ay hindi maipatupad nang maayos, kaya mahalaga ang tamang proseso at transparency.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.