Escudero, Villanueva, Go, Villar, Duterte at iba pang ‘lodi’ ng nepo babies; Vico Sotto lang ‘sakalam’

0
1378

Hindi pa rin ba papangalanan sa kabila ng kapal ng apog? Pwede na sapagkat sila naman ang sumisira sa kanilang pangalan sa sobrang dali ba namang makapangurakot sa bansa ng 117 milyong Pilipino. Madali rin namang sabihing “kawawa naman ang mga binaha” na may kasamang acting job kapag may privilege speech sa Senado na mas magandang pagkakataon para sila mismo ang makaiwas sa imbestigasyon.

Iyan ang problema natin kay Magalong. Sino-sino ba ang inaakusahan niya at bakit hindi niya mabanggit-banggit? Hindi tulad ni Vico Sotto na sapul na sapul ang kilay ni Escudero (mamaya pa pala siya) este Korina at Babao sa positive interviews—bagama’t hindi pa huli ang lahat para makabawi sa mga kabaro nilang mamamahayag kung si journalism associate professor Danilo Arao ang pakikinggan—na inilaan ng dalawa sa maanomalyang kontratistang mag-asawang Discaya. Nakalkula, napag-aralan, napangalanan ni Vico, at naging batis ng iba para lumakas din ang loob na magmulat ng kapwa o magpaamoy ng mababantot na katotohanan sa mga umano’y mababangong pangalan sa serbisyo publiko.

Pero sa punong lungsod ng Baguio, kwestiyonable ang timing ng exposé (again, without naming names) niya sa kasalukuyang administrasyon; hindi naman tayo nakarinig ng ganito mula 2016 hanggang 2022 sa kanya. Heto ang clue galing mismo kay Magalong nitong Pebrero: “Never, never. I don’t regret supporting (ex-President Duterte). He was very supportive, he was very genuine …Wala akong nakitang pretensions sa kanya.” Kaya naman reaksyon ng netizen na si Lordic Reyes, “Ikaw lang ang natulungan… hindi ang mamamayan.”

Doon maaaninag ang dahilan para hindi na kailangang pangalanan pa ang opisyal ng gobyerno sa pagtulong sa kapwa; nasa pwesto sila ng paglilingkod at pinasasahod ng buwis ng taumbayan. Kasi kung ganoon lang, kakailanganin pang isa-isahin ang mga pangalan ng mga nagbabayad ng withholding tax tuwing quincena at katapusan bilang halimbawa. Normal lang namang makatulong kaya, para sa yumaong senadora Miriam Defensor Santiago, bawal na talaga ang “epal” (credit-grabber).

Bago natin malimutan: Merong 1% para makarating sa 100% hangga’t hindi pa nauubos, pero ang 1% na inaming tinanggap ni SP Escudero ay P5.16 billion. Flood control contracts na 1% “lang” ha. Huli ka, Chiz. Hindi magpapa-kabog sa matitinding pasabog nitong Agosto at Setyembre ang asawang pulitiko ng artistang naglalalagi sa Paris na si Heart Evangelista.

Halimbawa, P30 million ang tinanggap ni Chiz sa donor noong kampanya sa halalan 2022. Ang umamin: si Centerways Construction and Development Inc. President Lawrence Lubiano. Tumatanggap ng mga kontrata sa pamahalaan ito ha.

Nilinaw ni Lubiano sa pag-uusisa ni Rep. Chel Diokno (Akbayan Party-list) na 2009 pa nang makapagsimulang maki-bid sa mga proyektong pagkontrol sa baha ang kompanya. Nasa 80 daw na proyekto ang napanalunan ng Centerways Construction mula 2022 hanggang 2025.

Isa ang kompanyang ito sa napangalanang top 15 contractors na nakakuha ng flood control projects sa unang tatlong taon ng administrayong Marcos Jr. Kinumpirma pa ni Lubiano na Sorsogon (balwarte ni Escudero) ang pinatutunguhan ng mga proyekto ng kompanya ng pamilya. Nasa 30 proyekto pa nga ito, ani Lubiano bagamat nasa 50-53 flood control contracts ang nai-award sa Centerways Construction sa datos na nakita ni Diokno mula sa Sumbong sa Pangulo website.

Mukhang inaapi ang kasama nila sa Senado, kaya ang pinakamagaling na gawin para makatulong sa kapwa senador? Manahimik sa isyu. Magtanong, huwag lang tungkol kay Chiz. At dahil “2016” ang panahong nagsimula umanong umariba sa pangongontrata ang mga Discaya, nawala na ng follow-up question si Bato Dela Rosa.

Nangunguna sa pagsasawalang kibo si Mark Villar na umupong kalihim ng lagi na lang tinuturong kurakot na Department of Public Works and Highways (DPWH) noong panahon ng panunungkulan ni Duterte. Malakas magpalitrato kay Villar ang mga Discaya, at saan pa malakas? Balakajan, sabi ng mga netizen.

Sunod naman sina Christopher Lawrence Tesoro Go (CLTG o Bong Go, hindi naman nakalilito) at Joel Villanueva. Sige, subukan mong magsalita kung hindi ka maparatanganang sinungaling at malayong malayo sa Prophet Joel ng scripture: “I cannot speak for the other house, but as far as I am concerned, here in the Senate, I do not know any senator linked to any of these 15 contractors mentioned. So just do the math. It’s only one plus one.”

Nauna nang itinanggi ng Pangulo ng Senado ang alegasyong nagsingit siya ng bilyon-bilyong piso sa 2025 budget at meron lang naninira na mate-trace daw niya sa Mababang Kapulungan.

Trying to keep his head still, here’s Escudero: “They first claimed that I made a P9 billion insertion for Sorsogon, then P12 billion for Bulacan. Then, P142 billion and then they changed it to P150 billion. What’s this? They first said I was alone and then, they implicated Sen. Joel Villanueva, and now it’s the entire Senate.”

Hindi pa sinabing buong gobyerno ng tambalang UniTeam na Marcos-Duterte.

Hindi lang si Escudero kundi marami pang naniniwala kay Sara Duterte na mahusay magpahawak at magpalabas ng pondo ng DepEd at Office of the Vice President (OVP); marami pa kasing “Mary Grace Piattos,” nasa 1,300 ang mga benepisyaryo (walang ganoong pangalan sa Philippine Statistics Authority; meron kung si Bato ang paniniwalaan at marami daw doon sa Davao).

Magiging matuwid at akma ang imbestigasyon ng mga maanomalyang ghost projects kung at kung meron tayong matinong Ombudsman. May makukuha ba tayo? O may makukuha ba sila? Mahahaba ang kanilang mga galamay. Magagaling magkubli. Kung maka-“awit” sa kanilang district engineer, wagas! Kaya hindi malayong gugustuhin nila siyempreng mga bata nila ang mapwesto.

Nagtambalan ang himpilang pantelebisyon na GMA at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at heto ang bahagi ng kanilang masasabi sa https://www.youtube.com/watch?v=QcWPSjORkEo: “Senators Escudero, VIllanueva at Go, kabilang sa mga may kaanak, kaibigan o campaign contributor na government contractor… Ilang mambabatas ang may kaanak, kaibigan o ‘di kaya’y may campaign donor na may mga kontrata rin sa gobyerno. Batay ‘yan sa pag-aaral ng (dalawang organisasyon). Ang ibang mambabataas nga tumatayo pa ring opisyal ng ilang government contracting companies hanggang ngayon.”

Balik tayo sa umpisa: Papangalanan ba o papangalanan? Bakit hindi?

Nepo Babies

“Make corruption shameful again,” giit ni CBCP President and Kalookan Cardinal Pablo Virgilio David. Gamitin daw ang social media at internet para lalong maging mapagmatiyag (“not just for outrage but for vigilance”).

Gustong makita ni David na nailalantad ang kawalang katarungan, ang facts, at ang pangangailangan sa reporma. Dagdag pa niya: “If floodwaters rise because public funds are stolen, the greater flood is the corruption that drowns our future. We cannot build a nation on foundations of systemic corruption. We can only rebuild it on social justice and the resolve to work together for the common good.”

Sinasakop na ang espasyong online ng tinatawag na nepo babies. Ang mga matatanda sa kanilang mga angkan ang sumisira sa sistema ng check-and-balance at payak na pamumuhay ng mga nakaupong lingkod-bayan (ibig sabihi’y sakupin nawa ng susunod na batas ang kanilang pami-pamilya dahil mapagmalaki rin sila sa karangyaan). Ang mga ito’y nagbubunga rin ng malaking dagok sa mga kalsadang pinaaayos natin, mga imburnal na sinisipsip at tinatanggalan natin ng bara, mga kabataang pinakakain, pinag-aaral, iniaahon natin sa baha at kahirapan, at kalikasang inaalagaan at nililigtas natin, kaya sama-sama nating labanan sa isip, sa salita, sa gawa, sa panalangin, ang paghahari-harian ng mga angkan ng mga pulitiko at paparating pang dynastic clans.

Wala pa ring pasya ang hukuman kung mauutusan ba nila ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty na ipinagbabawal naman ng Saligang Batas. Magpasya tayong laging mulat, hindi gulat sa pansasaid sa kaban ng bayan ng mga tiwaling opisyal.

Napakaraming nepo babies at mga pangalang notoryus sa pinakapinag-uusapang kambal na isyu ng pagnanakaw at karangyaan ngayon sa lipunang Pilipino. May sari-sariling talaan pa niyan ang mga pulitikong nagkakaisa at nagtutunggali sa pataasan ng ihi at nakukurakot sa proyektong bayan. Isipin na lang na may talaang ganyan—scripted pa—ang Duterte laban sa Marcos, at listahan ng Marcos laban sa Duterte. Isipin din ang mayayamang negosyante na kailangang yumaman nang yumanan sa kabila ng lahat ng underdevelopment, sumasamang kondisyon sa paggawa, at lumalalang kagutuman.

Kung magpapaulit-ulit ang lahat ng ito, mahiya naman tayong lahat!

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.