Guinayangan, Quezon. Namatay ang isang 17 anyos na estudyante matapos na masuntok sa leeg ng kanyang kaklase at matalik na kaibigan ng ito ay aaalimpungatan habang natutulog sa isang beach resort sa Brgy. Dancalan Central, bayang ito.
Ayon kay kay PMaj. Eric Veluz, hepe ng Guinayangan Municipal Police Station, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ginising umano ng biktima ang 19-anyos na kaibigang natutulog para ayain na itong umuwi ngunit bigla siyang sinuntok nito sa leeg kahapon ng umaga.
Isinugod sa Guinayangan Medicare Community Hospital ng kanyang mga kasama ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Batay sa record ng ospital, respiratory failure secondary to blood trauma sa lalamunan ang posibleng ikinamatay ng biktima.
Sinabi naman ng suspek na hindi niya sinasadya ang pagsuntok sa kaklase at naalimpungatan lamang siya matapos siyang gisingin ng biktima.
Napag-alaman na nag-overnight sa isang resort ang magkaklase upang mag-celebrate ng kanilang graduation sa Senior High School at nagkaroon sila ng kaunting inuman.
Nasa kustodiya naman ng himpilang ito ang suspek at sinampahan na ng kaukulang kaso sa Office of the Prosecutor ng Calauag, Quezon.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.