CALAMBA CITY, Laguna. Namatay ang isang residente ng Laguna Buenavista Executive Homes, sa Brgy. Barandal, lungsod na ito matapos masunog ang kanilang tahanan madaling-araw noong Agosto 29.
Kinilala ni Col. Melany Martirez, hepe ng pulisya ng Calamba City Police Station ang biktima na si Louie Antipuesto, 22 anyos. Ayon sa mga ulat, si Antipuesto ay isang mag-aaral at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa pahayag ng Bureau of Fire and Protection ng Calamba City, nag-iisa umano ang biktima sa kanyang kwarto sa ground floor ng kanilang bahay noong sumiklab ang apoy. Kinumpirma ito ng isa sa mga kasambahay niyang kasambahay na sinabing sila ay natutulog sa ikalawang palapag ng bahay kasama ang ina ng biktima at tatlong iba pa ng marinig nila ang malakas na sigaw mula sa kwarto ni Antipuesto na humihingi ng tulong dahil sa sunog. Diumano ay agad silang bumaba mula sa ikalawang palapag patungo sa ground floor ngunit buksan nila ng pinto ng kwarto ng binata ay sinalubong ng makapal na usok at nag-aalab na apoy. Dahil sa takot na makulong ng apoy sa loob ng bahay agad silang lumabas.
Kaagad naman na rumesponde ang mga bumbero mula sa Calamba City Bureau of Fire Protection (BFP), at sa kanilang agarang aksyon ay nasugpo ang apoy.
Matapos malabanan ang sunog, natagpuan ang sunog na katawan ni Antipuesto sa ilalim ng kama sa kanyang kuwarto.
Hanggang sa kasalukuyan, sinisiyasat pa ng BFP ang sanhi ng sunog.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.