Estudyanteng delivery rider patay sa pamamaril; motorsiklo ninakaw

0
272

MAYNILA. Pinagbabaril sa Barangay Sumilang, Pasig City nitong madaling araw ng Lunes ang 22-anyos na college student at part-time delivery rider na si Allan Vincent Eugenio, at tinangay ng mga salarin ang kanyang motorsiklo.

Ayon sa ulat, pauwi na si Eugenio mula sa trabaho nang tambangan ng dalawang suspek. Natagpuan ng ina ng biktima ang kanyang anak na nakahandusay sa kalsada, at agad itong isinugod sa ospital, ngunit hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa pulisya, hinabol ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima. “Bakit kinuha niyo pa ang buhay ng anak ko? Sana kinuha niyo na lang ang motor,” pahayag ng ina ni Eugenio.

Naaresto ng Pasig City Police ang dalawang suspek na may edad 19 at 20 sa loob ng wala pang 24 oras matapos ang insidente. Ayon kay Pasig City Police Chief PCol. Hendrix Mangaldan, sinampahan na ng kasong carnapping at iba pang mga kaso ang mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang matiyak ang hustisya para kay Eugenio at sa kanyang pamilya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.