Ex-boyfriend, arestado sa kasong sextortion

0
185

CAVITE CITY. Inaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang maintenance crewman dahil sa paglabag sa ‘Safe Spaces Act’, at ‘Violence against Women and Children (VAWC) Act’.

Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo ang suspek na si Patrick Contreras Bocalbos, 23, residente ng Brgy.Fatima 1-K, Dasmariñas City, Cavite na nahuli kagabi sa entrapment operation ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) 4A sa loob ng Apartelle, sa Brgy. Salitran 2, sa nabanggit na siyudad.

Ayon kay Guillermo, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng 32-taong gulang na biktima, na dating karelasyon ng suspek.

“Ang biktima ay nagsampa ng reklamo laban sa kanyang dating kasintahan dahil sa pang-aabuso nito sa social media,” pahayag ni Guillermo.

Batay sa reklamo, ikinalat ng suspek sa social media ang mga maseselang larawan at video ng biktima, at nagbanta na patuloy itong gagawin hangga’t hindi siya pumayag ang biktima na makipagtalik.

“Matapos ang mahabang imbestigasyon, nakapag-ugnay ang ating ahensya ng mga ebidensya at napatunayan na sangkot si Bocalbos sa nasabing krimen,” dagdag pa ni Guillermo.

Ang arestadong suspek ay dinala sa Dasmariñas City Police Station, para kasuhan ng paglabag sa ‘Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009’; at Article 286 ng Revised Penal Code o ‘Grave Coercion’, kaugnay ng mga unang­ nabanggit na kaso.

“Mahigpit na ipinapakita ng ating kapulisan ang kanilang pagtugon sa mga kaso ng sekstorsyon at pang-aabuso sa online platforms. Mahalaga ang kaligtasan at proteksyon ng ating mga mamamayan laban sa ganitong uri ng krimen,” diin ni Guillermo.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.