Ex-DPWH execs na sina Bernardo, Alcantara itinalagang state witnesses ng DOJ

0
155

MAYNILA — Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara ay pormal nang tinanggap bilang state witnesses sa imbestigasyon ng pamahalaan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Justice Acting Secretary Fredderick Vida, apat na indibidwal ang opisyal na isinailalim sa Witness Protection Program (WPP) kaugnay ng kontrobersiya sa flood management. Bukod kina Bernardo at Alcantara, tinanggap din bilang state witnesses sina DPWH Engr. Gerard Opulencia at Sally Santos, contractor at may-ari ng SYMS Construction Trading.

Ipinaliwanag ni Vida na ang isa sa mga karapatan ng state witnesses ay ang discharge from criminal liability sa mga kasong kanilang tinutulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng ebidensya.

“Dun ’yun sa particular na kaso na tinutulungan nila kami, sa mga kasong sila ay nagbigay ng ebidensya na magagamit ng estado, dun sila dropped. Pero kung halimbawa meron kang isa pang kaso na ibang usapin,” ayon kay Vida.

Sa ilalim ng Rules of Criminal Procedure, maaaring iutos ng korte ang pag-discharge ng isa o higit pang akusado, sa mosyon ng prosekusyon at may pahintulot ng akusado, upang magsilbing testigo ng estado. Kinakailangan ding magsumite ang prosekusyon ng ebidensya at sinumpaang salaysay ng bawat proposed state witness bilang batayan ng discharge.

Bago ang kanilang pormal na pagtanggap, sina Bernardo at Alcantara ay itinuturing munang “protected witnesses” at nasa ilalim ng provisional acceptance sa WPP. Kasama rin sa provisional acceptance ang mga DPWH engineers na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, subalit sinabi ng DOJ na sa kasalukuyan ay “walang pangangailangan” na tanggapin sila sa programa.

“Base sa pagsusuri sa isinumiteng ebidensya, hindi sila magku-qualify as state witnesses to be discharged under the WPP,” pahayag ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.

Dagdag pa niya, hindi maaaring isapubliko ng DOJ ang detalye ng naging resulta ng evaluasyon, ngunit sa ngayon ay wala umanong nakikitang batayan upang i-discharge ang dalawa kaugnay ng mga kasong kanilang inihain bilang state witnesses.

Ayon sa DOJ, ang apat na state witnesses ay nakapagbalik na ng mahigit P316 milyon sa kaban ng bayan bilang bahagi ng restitution, at inaasahang aabot sa kabuuang P1.5 bilyon ang matatanggap ng gobyerno.

Bernardo, Magbabalik ng P1 Bilyon

Samantala, sinabi ni Fadullon na nakapag-remit na si Bernardo ng P35 milyon noong Enero 13 bilang paunang bahagi ng kanyang restitution, na bahagi ng P1 bilyon na kanyang ibabalik sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) sa DOJ.

Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, ang halagang ito ay nasa anyo ng manager’s check at nagmula sa downpayment sa pagbenta ng isa sa mga ari-arian ni Bernardo.

“Kung makuha niya ang balanse ay ibibigay niya sa DOJ,” ani Ty, na nagsabing inaasahang makukumpleto ang transaksyon sa ari-arian bago matapos ang Enero.

Nananatili sa Custody ng Senado

Kasunod ng anunsyo ng DOJ, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mananatili muna si Alcantara sa custody ng Senado hanggang sa magkaroon ng karagdagang desisyon.

“Pag-uusapan namin sa Monday. As of now, they are still under the custody of the Senate,” ayon kay Sotto.

Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni ML party-list Rep. Leila de Lima na dapat tiyakin na ang mga tinanggap bilang state witnesses ay nagsasabi ng buong katotohanan at ganap na naibabalik ang lahat ng umano’y ill-gotten wealth.

“Wala silang dapat pagtakpan. Wala silang dapat protektahan kundi ang katotohanan at interes ng taumbayan,” ani De Lima.

Noong Setyembre, hinatulan ng Senate Blue Ribbon Committee si Alcantara ng contempt dahil sa umano’y pagsisinungaling kaugnay ng ghost flood control projects sa Bulacan. Samantala, sa pagdinig ng komite noong Nobyembre, inugnay ni Bernardo ang ilang dating at kasalukuyang opisyal, kabilang si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, sa umano’y pagtanggap ng kickbacks sa infrastructure projects.

Inamin ni Bernardo na siya umano ang nag-facilitate ng kickbacks para kina Senators Jinggoy Estrada at Mark Villar, Education Secretary Sonny Angara, dating senador Grace Poe, dating Caloocan City 2nd District Rep. Mitch Cajayon-Uy, San Jose del Monte City Mayor Rida Robes, at dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, na umano’y nasa pagitan ng 15% hanggang 25% ng halaga ng proyekto.

Mariing itinanggi ng mga nasabing opisyal ang mga alegasyon laban sa kanila.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.