BENGUET — Kinumpirmang patay si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral matapos umanong mahulog mula sa isang bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet noong Huwebes ng hapon, ayon sa ulat ng pulisya.
Ang 63 anyos na si Cabral ay natagpuang walang malay at unresponsive bandang 8:00 p.m. malapit sa Bued River, 20 hanggang 30 metro ang lalim sa ibaba ng highway, makalipas ang ilang oras matapos niyang sabihin ng kanyang driver na iwan siya sa bahagi ng Kennon Road habang sila ay patungong La Union.
Ayon sa Benguet Provincial Police Office, sinabi ng driver na si Ricardo Munos Hernandez na huminto siya sa lugar dakong 3:00 p.m., pagkatapos iniwan si Cabral upang pumunta sa malapit na gasolinahan. Sa kanyang pagbalik mga 5:00 p.m., hindi na niya nakita si Cabral at hindi rin siya natagpuan sa Baguio, dahilan upang mag‐report siya sa pulisya mga 7:00 p.m.
Idineklarang patay si Cabral bandang 12:03 a.m. ngayong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad. Agad na dinala ang kanyang mga labi sa isang funeral parlor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga pangyayari na nauwi sa kanyng pagkamatay.
Sinabi rin ng Office of the Ombudsman na inutos nila sa mga awtoridad sa Benguet na i‐secure at pangalagaan ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral upang maging bahagi ng imbestigasyon, at ito ay ipapasa sa mga imbestigador sa mga susunod na araw.
Noong Setyembre, nagbitiw si Cabral sa kanyang posisyon sa DPWH. Kabilang siya sa mga opisyal na inirekomenda sa posibleng administrative charges kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects, dahil sa mga alegasyon ng kickbacks at ghost o substandard projects, ayon sa mga naunang salaysay ng mga imbestigador at testimonya ni dating Undersecretary Roberto Bernardo.
Ang Independent Commission for Infrastructure ay nag‐isyu ng subpoena para kay Cabral upang siya humarap bilang resource person sa kanilang pagdinig bago ang insidente, subalit hindi siya nakadalo sa naturang sesyon. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ang insidente ay isang aksidente, kaso ng suicide, o may iba pang sangkot, habang inaalam pa ng forensic at scene‐of‐the‐crime teams ay ang mga detalye para sa mas malalim na pagsusuri.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






