MAYNILA — Inaresto ng mga awtoridad si retired Air Force major general Romeo Poquiz sa bisa ng warrant of arrest sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City nitong Lunes, Enero 5.
Kagagaling lamang ni Poquiz mula sa bakasyon sa Bangkok, Thailand nang arestuhin siya ng mga tauhan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (PNP-CIDG-NCR), sa pangunguna ni Chief P/Colonel John Guiagui, bandang alas-8 ng umaga.
Ang pag-aresto ay kaugnay ng kasong inciting to sedition, na iniuugnay sa umano’y partisipasyon ni Poquiz sa mga kilos-protesta na ginanap sa People Power Monument sa Quezon City noong Nobyembre 16 at 17, 2025. Binanggit din sa kaso ang ilang post niya sa social media na nananawagan ng pagtalikod o pagbawi ng suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang warrant of arrest ay inisyu noong Disyembre 5, 2025, na may inirekomendang piyansa na P48,000.
Si Poquiz ay kilala bilang convenor ng United People’s Initiative (UPI), isang grupo ng mga retiradong opisyal ng militar.
Matapos ang pag-aresto, dinala si Poquiz sa Camp Crame para sa kaukulang processing bago iprisinta sa Quezon City Regional Trial Court Branch 77.
Samantala, iginiit ni Poquiz na ang mga kasong isinampa laban sa kanya ay panggigipit at pananakot.
“Ang mga nagnakaw ng bilyon at trilyon ay libre at hindi napanagot, pero ang mga nagprotesta at nagpapahayag ng galit sa pandarambong ng pera ng bayan, na tulad ko, ay kinakasakuhan,” pahayag ni Poquiz.
Agad namang nagpiyansa si Poquiz para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





