Ex-governor ng Palawan, hinatulan ng 66 na taon dahil sa anomalya sa Malampaya Fund

0
437

MAYNILA. Hinatulan ng Sandiganbayan si dating Palawan Governor Mario Joel Reyes ng hanggang 66 na taong pagkakakulong kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pondo mula sa Malampaya natural gas project.

Sa isang 625-pahinang desisyon na isinulat ni Presiding Justice Geraldine Faith Econg, napatunayang nagkasala si Reyes at ang kanyang mga kapwa akusado na sina dating Provincial Planning and Development Coordinator Samuel Madamba II, dating Quality Control Division Chief Alfredo Padua, at mga engineer na sina Rolly Matudio at Bayani Buenaventura. Sila ay napatunayang lumabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon sa Sandiganbayan, guilty si Reyes sa 11 bilang ng kasong graft na may kaugnayan sa maling paggamit ng ₱1.53 bilyong royalties mula sa Malampaya Gas Field noong 2009. Ang mga proyektong pinondohan ay kinabibilangan ng mga school building, San Vicente Airport Development Project, road projects, solar home systems, at mga day care center.

May kabuuang 159 criminal charges ang isinampa laban sa kanila, kabilang na ang kasong katiwalian at pamemeke ng mga pampublikong dokumento kaugnay ng humigit-kumulang 39 na proyektong pang-imprastruktura sa Palawan.

Sinentensiyahan si Reyes ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong para sa bawat bilang ng kasong graft na kanyang kinakaharap, na may kabuuang sentensiyang 66 taon.

Batay sa desisyon ng korte, lumabag si Reyes sa mga alituntunin ng tamang paggawad ng kontrata sa pamamagitan ng pagkiling sa isang contractor, kung saan paulit-ulit nitong iginiit at inaprubahan ang mga kontrata kahit pa hindi dumaan sa tamang pagsusuri ang mga bid proposal.

Ang hatol ng Sandiganbayan ay bahagi ng nagpapatuloy na kampanya laban sa katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo