Ex Mayor sa Ilocos Norte arestado sa tatlong kaso ng murder

0
223

CALAMBA CITY Laguna. Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Laguna PNP Intelligence Unit at National Capital Region Police Office ang dating Mayor ng Dingras, Ilocos Norte na wanted sa pagpatay sa tatlong tao habang ito’y nagpapahinga sa isang eksklusibong resort sa Indigo Bay Resort and Subdivision sa Barangay Sucol, Real, sa lungsod na ito noong Sabado ng tanghali.

Kinilala ni Police Colonel Harold Depositar, director ng Laguna Police Provincial Office ang suspek na si Ex-Mayor Marynette Gamboa, may-asawa at residente ng nabanggit na lugar. Ayon sa mga rekord ng pulisya, itinuturong mastermind si Gamboa sa pagpatay kay Lorenzo Rey Ruiz, presidente ng Ilocos Norte Electric Cooperative, at sa pag-ambush at pagpatay sa dating Mayor ng Dingras na si Jeffrey Saguid at Sangguniang Board Member Robert Castro noong Disyembre 2009.

Noong pumutok ang mga nabanggit na krimen, nagsimulang magtago si Gamboa at nagpalipat-lipat ito ng tirahan upang iwasan ang mga pulis.

Batay sa ulat mula sa NCRPO, isang impormasyon mula sa isang concerned citizen ang nagbigay sa kanila ng tip tungkol sa kinaroroonan ni Gamboa. Dahil dito, agad silang nagsagawa ng operasyon upang arestuhin siya sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng tanggapan ni Presiding Judge Felix Gabriel Salvador ng Batac Regional Trial Court Branch 17.

Matagumpay na naaresto si Gamboa at dinala siya na ng mga operatiba sa lalawigan ng Ilocos upang harapin ang kasong murder na inihain laban sa kaniya.

Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa paglaya ng suspek.

Nakatakdang magkaroon ng preliminary investigation hinggil sa mga kaso sa mga darating na araw. Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga detalye ng mga krimen na kinasangkutan ni Gamboa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.