Ex-NCRPO chief at 11 pulis, idinawit sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero

0
477

MAYNILA. Pinangalanan ni Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy,” si retired Lt. Gen. Jonnel Estomo, dating hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bilang isa sa 12 pulis na umano’y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.

Sa kanyang pagharap sa National Police Commission (NAPOLCOM) kahapon, inilahad ni Patidongan na mula kay Charlie “Atong” Ang niya nalaman na si Estomo umano ang nag-utos na siya ay ipapatay dahil sa mga nalalaman niya hinggil sa mga iligal na gawain. Ani Patidongan, napilitan siyang magsalita matapos siyang pagbantaan na pati ang kanyang pamilya ay papatayin.

Hindi rin niya napigilang maiyak habang inaalala ang panganib na kinaharap nila mula sa mga itinuturong suspek.

Kabilang sa mga pinangalanan ni Patidongan ay sina PCol. Jacinto Malinao Jr. (Visayas), PLtCol. Ryan Jay Orapa (Highway Patrol Group), PMaj. Mark Philip Almedilla (Cavite HPG), PEMS Aaron Ezrah Cabillan (HPG), PCMS Arturo dela Cruz Jr. (Cavite HPG), PSMS Adelson Olosco Amarin, PSMS Joey Encarnacion (Cavite HPG), PSMS Mark Anthony Manrique (HPG), PSMS Reynand Fulgencio, PSgt. Alfredo Andres (Cavite HPG), at PCpl. Angel Joseph Martin (Cavite HPG).

Ayon kay Patidongan, ilan sa mga sangkot ay retirado na o natanggal na sa serbisyo. Sila umano ang kumukuha sa mga sabungero, pinapatay, at dinadala ang mga bangkay sa Taal Lake sa Batangas.

Idinawit din ni Patidongan si dating Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan bilang umano’y tumatanggap ng mga biktima at nagdedesisyon kung paano sila papatayin.

Bukod dito, binanggit din niya si PCSO Chairman at dating hukom Felix Reyes bilang umano’y taga-areglo ng mga kaso sa korte para sa grupo ni Atong Ang.

Ayon kay NAPOLCOM Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, sasampahan ng kasong administratibo ang mga aktibong pulis, habang kasong kriminal naman ang kakaharapin ng mga retirado. Tiniyak niyang mareresolba ang reklamo ni Patidongan sa loob ng 60 araw.

Dagdag pa ni Calinisan, isasailalim sa masusing pagsusuri ang affidavit at mga pahayag ni Patidongan at susundin ang proseso ng batas.

Samantala, isang viber message ang ipinadala ng umano’y mga aktibong pulis na isinangkot sa kaso. Ayon sa kanila, nagulat sila sa umano’y walang basehang akusasyon ni alyas “Totoy.”

Photo courtesy of the National Police Commission (NAPOLCOM)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.