MAYNILA. Isang dating pulis, na sinasabing middleman, ang iniimbestigahan kaugnay sa pagkawala ng isang kandidata ng Pampanga beauty pageant at ng kanyang Israeli boyfriend noong Hunyo 21 ng hapon sa Tarlac City.
Ayon kay Capas police chief Lt. Col. Librado Maranang Jr., ang nasabing dating pulis, na pansamantalang hindi pinangalanan, ay dating nakatalaga sa Angeles City Police Office.
Huling nakita sina Lopez at Cohen dakong alas-2 ng hapon noong Hunyo 21. Kasunod nito, natagpuan ang sunog nilang SUV na Nissan Terra sa kahabaan ng Capas-San Jose Road sa Cristo Rey Village bandang alas-2:36 ng umaga noong Hunyo 22.
Sa kaugnay na balita, isang abandonadong SUV na pinaniniwalaang sasakyan ng mga “persons of interest” sa pagkawala nina Lopez at Cohen ang nadiskubre sa Sitio Barbon, Brgy. Tibag, Tarlac City, Tarlac. Bandang alas-8:00 ng gabi noong Linggo nang matagpuan ng mga operatiba ng CIDG ang abandonadong sasakyan na naka-park sa gilid ng isang bahay.
Ang SUV, isang puting Nissan Terra na may plakang NGN 9240, ay pinaniniwalaang ginamit sa pagkawala ng magkasintahan. Ito ang sinasabing ikatlong sasakyan na nakita sa convoy ng sasakyan ng nawawalang magkasintahan at ng middleman nang magtungo sila sa binibiling lupa sa Brgy. Armenia, Tarlac City noong Hunyo 21 ng hapon.
Nakatakda ring i-turnover ang recovered abandoned vehicle sa Highway Patrol Group (HPG). Ang sasakyan ay nakarehistro sa isang lalaking residente ng Bacoor City, Cavite.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.