Inaresto ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang dating bise gobernador ng lalawigan ng Batangas sa kasong violence against women and children (VAWC) at illegal possession of firearms.
Sa isang pahayag noong Lunes ng gabi, sinabi ni ACG officer-in-charge, Brig. Gen. Bowen Joey Masauding na si Ricky Recto ay inaresto noong Hulyo 3 ng mga miyembro ng ACG sa pagpapatupad ng warrant to search, seize, and examine computer data (WSSECD) hinggil sa reklamong pag-atake na inihain ng dating kasintahan ng suspek.
Batay sa ulat, kinuha sa bahay ni Recto ang ilang digital device gaya ng mobile phone, laptop, at desktop computer.
Nakita rin ng arresting team ang limang hindi rehistradong baril na 12-gauge shotgun at apat na pistol na dalawang 9mm, isang .25 caliber at isang .40 caliber.
Mahaharap din ang suspek sa panibagong kasong assault matapos na sinadya nitong salakayin ang isa sa mga miyembro ng operating team, ayon kay Masauding.
Walang ibinigay na eksaktong lokasyon kung saan inarseto, maliban na lamang sa lugar ng Eastern Police District (EPD) na nakakasakop sa mga lungsod ng Marikina, Mandaluyong, Pasig, at San Juan.
Dinala ang suspek sa ACG headquarters sa Camp Crame para sa booking at safekeeping habang nakabinbin ang pagsasagawa ng inquest proceedings. (PNA)
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.