BATANGAS CITY — Nangako ang Philippine Ports Authority (PPA) na agad susugpuin ang mga fixer na nag-aalok ng “express entry” sa Batangas Port kapalit umano ng P2,000 para sa mga sasakyang sasakay sa roll-on/roll-off (RoRo) ngayong holiday season.
Personal na nag-inspeksyon si PPA General Manager Jay Daniel Santiago noong Lunes at nagbabala sa mga driver na huwag magpapaloko sa mga fixer na nangangakong magpapabilis ng pagpasok sa pantalan kapalit ng bayad.
Bilang tugon, ipinatupad ni Santiago ang isang queuing system kung saan bibigyan ng numero ang bawat sasakyan sa pila upang matiyak na ang papasok lamang sa pantalan ay ang mga awtorisadong sasakyan ayon sa tamang pagkakasunod.
Nagbabala rin siya sa mga port police at security personnel laban sa anumang pakikipagsabwatan sa mga fixer. “Kung may tauhan kami mismo sa PPA either security or port police tatanggalin ko on the spot, wala nang argumento yun,” ani Santiago.
Samantala, naranasan ng mga pasahero ang mahabang pila, kakulangan ng tiket, at limitadong biyahe ng mga barko. Ayon sa PPA, mahigit 500 pasahero na patungong Odiongan, Romblon ang hindi nakasakay noong Linggo at nakabili lamang ng tiket noong Lunes para sa biyahe kinabukasan.
Ipinahayag ni Santiago ang pagkadismaya sa kasalukuyang sistema ng ticketing at inatasan ang mga shipping line na agad magbenta ng tiket sa mga pasaherong matagal nang nakapila mula pa noong umaga.
Paliwanag niya, ang pangunahing sanhi ng congestion sa Batangas Port ay ang kakulangan ng mga barkong bumibiyahe sa ilang ruta. Dahil dito, hinikayat niya ang Maritime Industry Authority at mga shipping company na magdagdag ng mga barko at ipatupad ang 100 porsiyentong booking system upang maiwasan ang siksikan at mapabilis ang daloy ng mga pasahero sa pantalan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





