LAGUNA — Sinuspinde ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang lahat ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 31, 2025, bilang bahagi ng pag-iingat sa posibleng paggalaw ng West Valley Fault.
Ayon kay Governor Sol Aragones, ang desisyon ay resulta ng masusing konsultasyon sa disaster management teams at pagsusuri ng mga datos kaugnay ng fault line.
“Kinausap din po natin ang ating disaster team para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan, hindi lamang ng mga estudyante kundi ng lahat dito sa Laguna,” pahayag ni Aragones sa isang Facebook Live broadcast.
Binigyang-diin ng gobernadora na ang kaligtasan ng mga estudyante ang pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan. “Ang mga araw na walang klase ay puwedeng habulin, pero ang buhay ng tao ay isa lang at hindi na maibabalik. May nakaambang panganib at kailangan nating maging handa,” aniya.
Habang suspendido ang in-person classes, ipinag-utos ng pamahalaan sa mga paaralan ang pagpapatupad ng alternative learning modes tulad ng online at modular learning.
Hinimok din ng mga awtoridad ang mga residente na pag-ibayuhin ang paghahanda sa posibleng malakas na lindol at ipasuri ang katatagan ng mga gusali ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.
“Even if nothing happens, this is an opportunity to remain ready. Safety comes first, especially for our students,” dagdag pa ni Aragones.
Samantala, nilinaw ni PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol na walang direktang koneksyon ang mga naitalang lindol sa ibang bahagi ng bansa sa West Valley Fault, na dumaraan sa mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, at sa Metro Manila.

Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





