FB scammer arestado sa police ops

0
283

Calamba City, Laguna. Arestado sa isinagawang police operation ng Cabuyao City Police Station Operatives ang isang scammer na sangkot sa kasong qualified theft at estafa sa operasyon na ikinasa sa Brgy. Banlic, Cabuyao City, Laguna noong madaling araw ng Setyembre 1, 2022.

Humingi ng tulong sa pulisya ang biktima at mga testigo kasama ng mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagdakip kay Jazer Del Mundo y Maitim, 21 anyos na residente ng No. 178 Purok 2, Brgy. Banlic, Cabuyao City, Laguna.  Nakatakas ang isa pa niyang kasabwat ngunit kalaunan ay nakilalang si Neil Patrick Magas alyas ‘Potpot’ na residente rin ng nabanggit na barangay.

Nagsabwatan ang dalawang suspek sa pag-hack sa Facebook account ng biktima na isang freelancer na kinilalang si Andrew Capacete y Sescia, 30 anyos, nakatira sa No. 239 Purok 3, Brgy. Marinig, Cabuyao City, Laguna. Sa pamamagitan ng impostor account ay humingi ng pera ang mga suspek gamit ang messenger sa mga kaibigan ng biktima at marami ang sumagot at nagpadala ng iba’t ibang halaga sa pamamagitan ng GCash.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan sa may ari ng GCash account ang mga opisyal ng barangay ng Brgy. Banlic. Huli sa akto si Millen Milares na inutusan ni Del Mundo na kolektahin ang pera sa GCash Encashment Store. Bilang state witness, itinuro ni Milares si Del Mundo sa mga pulis at agad na inaresto ito.

Sinampahan ang suspek ng kasong  paglabag sa Section 4a at 4b ng Republic Act No. 10175 o mas kilala bilang ‘Illegal Access and Computer-Related Identity Theft.

Nagbabala si PRO CALABARZON, Acting Regional Director, Police Brigadier General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa publiko na maging alerto sa mga ganitong modus operandi. “Let us be wary that criminals roam around the cyber space and for that reason, we have to guard our social media accounts and always think before clicking, more so if it is a suspicious unknown link. These kinds of criminals will be phishing your identities to have access to your accounts… rob you of your bank deposits or collect money from your friends and relatives,” ayon sa kanya.  

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.