MAYNILA — Kinumpirma ni Batangas Rep. Leandro Leviste na hawak niya ang mga kopya ng files ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang infrastructure projects, kabilang ang flood control projects.
Ayon kay Leviste, handa niyang isapubliko ang naturang mga dokumento ngunit hinihintay pa niya ang pahintulot o go signal ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Sinabi ng mambabatas na personal umanong ibinigay sa kanya ni Cabral ang mga files noong Setyembre 4, matapos niyang hilingin sa ahensya ang listahan ng mga proponents ng insertions sa pondo ng DPWH para sa infrastructure projects.
Ginawa ni Leviste ang pahayag kasunod ng mga panawagan sa mga awtoridad na tiyakin ang seguridad ng mga files ni Cabral, lalo na matapos ang pagkamatay ng dating opisyal.
“DPWH Undersecretary Catalina Cabral gave me files listing the proponents of DPWH insertions of the whole country on September 4, after Secretary Vince Dizon told her on the phone to release them to me, in the interest of transparency,” pahayag ni Leviste.
Ayon pa sa kongresista, marami umanong matataas na opisyal at indibidwal ang maaaring madawit kapag isinapubliko ang naturang mga dokumento.
“They list proponents of flood control and other DPWH projects from the whole government, not only congressmen and senators, but also people from the Executive, including secretaries and undersecretaries outside DPWH, as well as private individuals,” giit niya.
Dagdag ni Leviste, ipauubaya niya sa pamunuan ng DPWH ang pinal na desisyon kung kailan at paano isasapubliko ang mga files ni Cabral.
Si Cabral ay natagpuang patay sa isang bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet. Ayon sa mga ulat, pinaniniwalaang nahulog ang dating DPWH official noong Biyernes ng umaga.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






