Financier ng casino, kritikal matapos tambangan ng riding-in-tandem

0
335

IMUS CITY, Cavite. Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang casino financier matapos tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng kanyang kotse sa loob ng isang subdibisyon, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Pasong Buaya 2, lungsod na ito.

Ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Nolan Son, 53 anyos, may asawa at residente ng Coral St., Summit Ridgecrest Subdivision, Pasong Buaya 2, Imus City, Cavite. Ayon sa mga huling ulat, patuloy siyang binabantayan sa ospital.

Hindi nakilala ang dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo na agad na tumakas matapos ang krimen.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, 3:30 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nagmamaneho si Son ng kanyang Hyundai Cona na may plakang DAM9940, patungo sa kanilang bahay sa nasabing subdivision.

Sa tapat ng recreation park ng subdivision, lumapit ang isang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Kahit duguan at sugatan, hindi bumigay si Son, sa halip ay patuloy na nagmaneho patungo sa St. Dominic Hospital.

Samantala, nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya at nangangalap ng CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente at maging sa exit route ng subdivision para sa posibleng pagtukoy sa mga salarin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.