Fishing ban pinag-aaralan ni Pangulong Marcos Jr. upang mapigilan ang overfishing

0
469

Upang mapangalagaan ang sektor ng mangingisda at maiwasan ang sobrang pangingisda, iniisip ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng isang fishing ban at iba pang mga pagbabawal sa ilang bahagi ng bansa.

Sa isang panayam sa Zamboanga City, ipinaliwanag ng Pangulo na mahalaga ang pangangalaga sa populasyon ng mga isda upang masiguro ang saganang suplay para sa mga darating na panahon. Nais niyang bigyan ng pagkakataon ang mga isdang makapagparami para sa kinabukasan.

Dagdag pa ni Marcos, hindi dapat kalimutan na ang ilang lugar ay mahalaga bilang breeding grounds para sa mga isda. Kaya naman, layunin ng administrasyon na magpatupad ng fishing ban at iba pang mga hakbang sa ilang bahagi ng bansa upang tugunan ang problemang ito at maprotektahan ang sektor ng pangisda.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), plano rin ng pamahalaan na magdagdag ng cold storage facilities, lalo na’t hanggang 30% ng mga nahuhuling isda ay napipinsala dahil sa kakulangan ng tamang storage. Magbibigay din ang gobyerno ng mga yelo para sa mga maliliit na mangingisda upang mapanatili ang kalidad ng kanilang huli.

Noong Marso, ipinag-utos na rin ni Pangulong Marcos ang pagpapakabit ng cold storage facilities sa mga port o daungan upang maiwasan ang pagkasira at pagkabulok ng mga huli ng mga mangingisda. Layunin nitong mapanatili ang kalidad ng produkto at mapangalagaan ang sektor ng pangisda nang hindi umaasa sa mga imported na isda.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.