Former Pres. Duterte, tatakbong VP o senador kung ma-impeach si Sara 

0
147

Sa gitna ng umuugong na usap usapan sa diumano ay impeachment procedure laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa Kamara, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mapipilitan siyang muling magbalik sa larangan ng pulitika.

“Alam ninyo ba kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa pulitika… Mapilitan ako—it’s either I run for senator or I will run for vice president maski matanda na ‘ko,” pahayag ni Duterte sa panayam ng SMNI nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 20.

“Mapipilitan akong lumabas sa retirement eh. When I begin to talk…election is just around the corner, talagang magka-babuyan tayo. I do not lose anything, I’m retired. Pero pagdating niyan na buhay pa ‘ko, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong…vice president… Kung si Inday ang presidente, okay lang,” dagdag pa niya.

Sa panig naman ni Sara, buo ang suporta niya sa anumang desisyon ng kanyang ama sa larangan ng pulitika. “Kung anuman ang desisyon ni Pangulong Duterte ay buo ang suporta ng pamilya sa kanya. Just like kung anuman ‘yung mga desisyon namin na mga anak regarding sa pulitika, buo din ang suporta ng pamilya sa amin, ganon din ang suporta namin sa desisyon ni Pangulong Duterte,” ayon kay Sara sa ambush interview nitong Martes, Nobyembre 21.

Samantalang, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pagbabantay sa isyu. Sinabi niyang hindi “deserve” ni Sara Duterte ang ma-impeach. “Binabantayan namin nang mabuti because we don’t want her to be impeached, we don’t want her to… she does not deserve to be impeached so we will make sure that this is something we will pay very close attention to,” pahayag ni Marcos mula sa Hawaii.

Sa kabilang banda, wala namang nababalitaan si House Speaker Martin Romualdez hinggil sa usapin ng impeachment laban kay Duterte. “Nothing filed, no news of that,” ayon sa Speaker.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo