MANILA — Inatasan ng Malacañang ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na mahigpit ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya kasunod ng patuloy na tensyon sa Middle East na nagdudulot ng pagtaas at pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ang direktiba ay nakasaad sa Memorandum Circular (MC) 114 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, na nag-uutos sa mga tanggapan ng gobyerno na pabilisin ang pagpapatupad ng Government Energy Management Program at magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang konsumo sa kuryente at gasolina.
Ayon sa circular, ang matinding pagbabago sa global energy markets dulot ng krisis sa Gulf region ay nagresulta sa pagtaas ng presyo ng fuel, na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa pambansang ekonomiya.
“There is an urgent need to adopt strict energy conservation measures to further reduce the energy footprint of government operations and optimize the use of public resources,” ayon sa nakasaad sa kautusan.
Sa ilalim ng MC 114, lahat ng ahensya at instrumentalidad ng pambansang pamahalaan, kabilang ang mga government-owned or controlled corporations (GOCCs), ay inaatasang ipatupad ang mga energy-saving protocols sa kanilang mga tanggapan.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapanatili ng thermostat setting na 24 degrees Celsius sa mga air-conditioned na lugar, pag-activate ng sleep settings sa mga office equipment, at pagpatay ng mga hindi kailangang ilaw at electronic devices tuwing lunch break at matapos ang oras ng trabaho.
Inaatasan din ang mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng virtual meetings kung maaari, limitahan ang mga official travel sa mga mahahalaga at kinakailangang gawain lamang, at palakasin ang fleet-efficiency measures upang mabawasan ang konsumo ng gasolina.
Kasama rin sa mga ipinag-uutos na hakbang ang pagbawas sa paggamit ng elevator at ang pagpapatupad ng iba pang praktikal na energy conservation measures sa loob ng mga gusali ng pamahalaan.
Upang higit pang mabawasan ang konsumo ng enerhiya sa mga gusali at paggamit ng fuel sa transportasyon, pinapayagan din ang mga ahensya na magpatupad ng apat na araw na onsite work arrangement sa pamamagitan ng compressed workweek o isang nakatakdang araw ng work-from-home, alinsunod sa mga patakaran ng Civil Service Commission.
Nagsimula ang pagpapatupad ng four-day onsite work arrangement noong Marso 9 at mananatili itong ipatutupad hanggang sa ito ay alisin o bawiin ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Malacañang na ang mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya ay dapat isagawa nang hindi naaantala ang pagbibigay ng serbisyo publiko.
“All agencies and instrumentalities of the National Government, including GOCCs, shall implement the foregoing Energy Conservation Protocols in a manner that ensures the continuous, efficient and uninterrupted delivery of government services,” ayon pa sa memorandum circular.
Ang nasabing direktiba ay bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang posibleng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa ekonomiya ng bansa, lalo na’t malaking bahagi ng suplay ng langis ng Pilipinas ay inaangkat mula sa ibang bansa.
Samantala, tiniyak ng pamahalaan na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon sa Middle East habang naghahanda ng mga contingency measures upang maprotektahan ang ekonomiya at matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya sa bansa.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






