Garlic farming sa Bulalacao muling palalakasin

0
287

Bulalacao, Oriental Mindoro. Inaasahang muling lalakas ang produksyon ng bawang dito matapos mamahagi ang Department of Agriculture (DA) MiMaRoPa-High Value Crops Development Program (HVCDP) ng dalawang tonelada ng pananim na bawang sa Brgy. Cabugao, bayang ito.

Tinanggap ng mga pinuno at miyembro ng Cayambang Farmers Association (CFA) ang mga pananim at nabigyan ng tig 25 kilos ang bawat kasapi nito.

Ang distribusyon ng mga pananim ay pinangunahan ni HVCDP Provincial Coordinator Arjay Burgos, Agriculturist II at Technical Staff Gerald Alapar, Agriculturist I, ang distribusyon at ang Municipal Agriculture Office ng Bulalacao sa pamamagitan nina Municipal HVCDP Coordinator Maycil Cabagay at Indigenous People Coordinator Ike Inggo.

“Malaking tulong ang mga libreng pananim na ito mula sa Department of Agriculture. Ilang taon na po kaming nakatatanggap ng biyaya tulad ng mga pananim na bawang, sibuyas at iba pang biyaya gaya nitong onion hanger.  Kaya kami po ay nagpapasalamat sa tuloy-tuloy na biyaya ng gobyerno sa [mga] ganitong tulong,” ayon kay Elvira Bernardo, kasapi ng CFA.

“Umaasa tayo na sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng pananim na bawang ay mahihikayat natin ang mga magsasaka sa malawakang pagtatanim ng bawang,” ayon kay Cabagay.

Ipinangako niya na kikilos sila para magkaroon ng mas malaking market ng bawang sa layuning maibalik at mapalakas ang garlic farming sa Bulalacao.

Ang CFA ay binubuo ng mga residente ng Sitio Cambayang, Brgy. Cabugao.  Ang nabanggit na barangay ay isa sa apat (4) na barangay sa Bulalacao na nagtatanim ng bawang kasama ng Brgy. Cambunang, Maujao at Nasucob.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.