Gawang VBA

0
231

Unang nakilala at sumikat si Vicente B. Amante (VBA) bilang tagapagbuo ng Fantastic jeepney.  Sa umpisa’y bumuo ng sariling pampasaherong dyip na hanggang maging daan upang lumaki at lumawak ang sariling pagawaan at ng naglaon naging V. Amante Motors na halos nahigitan pa ang sikat noong Sarao Motors.

Mapalad na maging bahagi ng kasaysayan sapagkat ako noon sa edad na 20 anyos ay empleyado ng Filinvest Credit Corporation at isa sa nag “credit-investigate” upang ma-“accredite”  ang naulit na V. Amante Motors sa naulit na Credit Corporation. Approved agad sa aming mga bossing  ang aplikasyon ni VBA sapagkat nakita ang parang kwitis na pag ilanglang sa pagtaas at pagtatagumpay ng kanyang pagawaan ng pampasaherong dyipney. 

Kung hindi ako namamali ay umabot sa mahigit na isang daang passenger type jeepneys ang naibebenta kada buwan ng V. Amante Motors nang kasagsagan ng kasikatan nito. Buong bansang Pilipinas ang tumatangkilik dahil na rin sa katatagan at husay ng mga gawang dyipney ni VBA. 

Hanggang sa maging Alkalde si Amante.

Hindi na dyipni ang binuo ni VBA mandiy ang kanyang mahal na Lungsod ng San Pablo. Gaya ng Fantastic Jeepney ay bumiyahe rin ang lungsod na matatag sa paglalakbay patungo sa kaunlaran at pagkakaisa. Nakilala rin sa buong Pilipinas ang husay at ganda nito at napantayan kung di man mahigitan ang ibang maunlad na lungsod ng ating bansa.

Kaalinsabay nito ay may mga ginawa rin mga “katuwang at katulong” si VBA upang maiabante ang hangaring pagpapaganda at pagpapaunlad  ng ciudad. Mga ordinaryong taong naging  lingkod bayan at sa pamamagitan ni VBA ay higit pa ang narating sa larangan ng pampublikong paglilingkuran.

Maaaring may ilang sasalungat pag wiwikaing ang mga nabanggit na lingkod bayan ay kapansin pansing naging maaalwan ang personal na pamumuhay. Maaaring nagmana ng malawak na lupain o dili kaya’y naging matagumpay ang pribadong paghahanapbuhay o ano pang ligal na kaparaanan??  Ano pa man ay talagang may halong swerte ang Gawang VBA!

Kasaysayan na ang magdagdag sa panulat na ito. Libo libong San Pableño ang higit na nakababatid. 

Gaya ng kauna-unahang dyipney na binuo ni VBA ay marami ang tulad natin na magiging matibay at maaasahan sa mahaba pang biyaheng pag abante ng lungsod. Titiyaking  hindi magsasakay ng mga pasaherong papara upang huminto ang paglalakbay patungo sa tagumpay at pagkakaisa. Abante pa mga Gawang VBA!

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.