Calamba City, Laguna. Arestado ang isang suspek ng panloloko sa online Cash Transfer matapos makapang biktima sa lungsod na ito kahapon.
Kinilala ni Acting Provincial Director, Laguna, Police Colonel Cecilio R Ison Jr, ang mga suspek na si Edmon G Catubigan, male, 43 anyos na naninirahan sa Purok-3 Arevallo Compound Cupang, Muntinlupa City, NCR, at ang isa pang pinaghahanap na suspek na si alyas “VERGIE”.
Ayon sa report mula sa Calamba City Police Station, naganap ang krimen kahapon sa Gcash outlet B51 L29 Palao, Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna. Habang may kausap sa cellphone ang nabanggit na suspek, nilapitan nito ang biktima na si Maria Angelique L. Po, 23 anyos na residente ng Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna at humingi ng tulong kung paano mag-transfer ng cash sa pamamagitan ng Gcash account number. Ibinigay ang kanyang cellphone sa nabanggit na biktima at kinausap ang nasa kabilang linya na napag alamang isang kasabwat na si alyas “Vergie.”
Nagpakilala si alyas “Virgie” sa biktima at tinanong ang buong pangalan ng biktima pati na rin ang mga charges sa bawat transaksyon.
Ibinigay ng biktima ang kanyang personal na impormasyon, Gcash account number at one time password (OTP). Makalipas ang ilang sandali, nagulat ang biktima ng makatanggap siya ng transaksyon sa kanyang Gcash account na nag abiso na nailipat ng halagang PHP 48,000.21 sa ibang Gcash account.
Agad na umalis ang suspek na si Edmon matapos ang nasabing transaksyon ngunit tinawag ng biktima ang kanyang ama at hinabol ang suspek. Nahuli ito at dinala sa Calamba CPS sa tulong ng mga Barangay tanod. Narekober sa suspek ang isang (1) unit ng Vivo cellphone na ginamit para makausap ng biktima ang kasabwat na si alyas Vrigie.
Ang tunay na pagkakakilanlan kay alyas Vergie na nangongolekta ng pera sa pamamagitan ng mapanlinlang na online na transaksyon ay patuloy na inaalam at iniimbistigahan ng Calamba CPS.
Nakakulong ang suspek na si Edmon sa Calamba CPS at nahaharap sa kasong Swindling Estafa of Art. 315 of RPC in relation to Sec. 6 of RA 10175 Anti-Cybercrime Law.
“Ito ay isang uri ng modus na ginagawa sa pamamagitan ng online transaksyon, maging alerto, wag ibigay ang personal na impormasyon at wag magpaloko. Umaapela naman ako sa ating mamamayan ng kung may ganitong uri pa ng modus ay agad ipaalam sa pinakamalapit sa istasyon ng pulisya para sa agarang aksyon,” ayon sa pahayag ni Ison.
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.