Ginang na notoryus na magnanakaw, arestado sa Batangas

0
197

LIPA CITY, Batangas. Arestado ang isang ginang matapos pumasok sa restricted area ng ospital sa lungsod na ito kamakailan.

Sa kasalukuyan, nakakulong sa lock-up cell ng Lipa City Police Station ang suspek na hindi pa matukoy ang tunay na pagkakakilanlan dahil sa iba’t ibang identification card nitong ginagamit.

Batay sa ulat ng Lipa City Police Station, napuna ng isang doktor na pumasok ang suspek sa ‘restricted area’ ng ospital kaya agad tinawag ng security guard.

Tinanong ng mga guwardiya ng ospital ang suspek ngunit hindi ito nakasagot kaya dinala na ito sa himpilan ng pulisya.

Nadiskubre na ang suspek ang responsable sa pananalisi sa mga ospital at klinika sa Antipolo, Baguio, Muntinlupa City, Quezon City, Cavite, Batangas, Pangasinan at Tarlac.

Umabot na sa 40 doktor ang biktima ng suspek sa nakalipas na 3-taon na natangayan ng pera at mga gamit sa ospital.

Nakunan din ng CCTV ang iba pang insidente ng pagnanakaw ng suspek tulad ng pagkuha nito ng pitaka ng isang doktor at mabilis na pag-withdraw ng pera.

Ayon sa pulisya, ang modus operandi ng suspek ay ang magpanggap bilang pasyente, kamag-anak ng pasyente, o kaya’y medical staff.

Bukod sa kasong theft, nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Article 281 o Trespassing at Art. 178 sa paggamit ng pekeng pangalan at pagtatago ng tunay na pangalan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.