Ginang na street sweeper pinasok sa bahay at pinagbabaril

0
188

CANDELARIA, Quezon. Patay ang isang 47-anyos na ginang matapos pasukin at barilin sa loob ng kanyang bahay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki kahapon ng gabi sa Barangay Malabanban Norte sa bayang ito.

Dead on arrival sa United Candelaria District Hospital ang biktimang si Elizabeth Sabalboro, isang may-asawang street sweeper, dahil sa tama ng bala ng kalibre 45 sa ulo.

Kasalukuyang kumikilos ang pulisya upang matukoy ang suspek na nakasuot ng itim na jacket at bullcap, at sa motibo nito sa pagpaslang sa biktima.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-10:20 ng gabi habang nakaupo si Sabalboro sa loob ng kanilang bahay sa Lorema Subdivision Purok 2. Bigla na lamang pumasok ang suspek at binaril ang biktima.

Matapos ang krimen, tumakas ang salarin patungo sa Sitio Pabongbong ng nasabing barangay. Ang pulisya ay patuloy na nag-iimbestiga upang alamin ang buong detalye ng pangyayari at makuha ang hustisya para kay Sabalboro at kanyang pamilya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.