‘Glue lady’ na nambibiktima ng seniors sa ATM, arestado sa Batangas

0
167

LIPA CITY, Batangas. Naaresto ng mga tauhan ng Police Regional Office-4A (PRO4A) ang isang babae na tinaguriang “glue lady” dahil sa pagnanakaw ng pera mula sa mga senior citizen na nagwi-withdraw sa mga ATM machines.

Ayon kay PRO4A Regional Director Police Brig. General Paul Kenneth Lucas, nahuli ang glue lady sa isang operasyon sa Lipa, Batangas. Tumanggi si Lucas na banggitin ang pangalan ng suspek dahil sa patuloy na follow-up operation laban sa posibleng mga kasabwat nito sa kanyang modus operandi.

Nabatid na magkukunwari ang suspek na tumutulong at umaalalay sa senior citizen na nahihirapang mag-withdraw dahil sa pagkalito sa ATM machine. Hindi alam ng biktima na gagamitan ng suspek ng glue ang ATM card, at sa sandaling umalis ang biktima, ang suspek na ang magwi-withdraw ng pera.

Kapag humingi ng tulong ang biktima, doon na aalisin ng suspek ang glue sa ATM card para magmukhang sira ang makina.

Lumilitaw na nakapambiktima na ang suspek ng mga senior citizen sa Rizal, Batangas, at iba pang lugar sa labas ng CALABARZON. Iniimbitahan naman ng CALABARZON Police ang iba pang posibleng nabiktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.

Patuloy ang imbestigasyon at operasyon ng mga awtoridad upang masugpo ang ganitong klase ng krimen at mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.