MAYNILA. Hububaran ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa pamamagitan ng bank secrecy protection ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng gobyerno sa ilalim ng kanyang inihaing panukalang batas na naglalayong amyendahan ang umiiral na Secrecy of Bank Deposits Law.
Sa ilalim ng Senate Bill 38 o “An Act Further Strengthening the Secrecy of Bank Deposits Law, Amending for the Purpose RA 1405,” binigyang-diin ni Lacson na ang 1987 Constitution mismo ang nagsasabing, “Public office is a public trust,” kaya’t hindi ito dapat gamiting kasangkapan para sa pansariling pagpapayaman.
Layunin ng panukala na alisin ang proteksiyon ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa ilalim ng Bank Secrecy Law upang masuri ang kanilang mga bank deposit sa panahon ng imbestigasyon sa mga kaso ng katiwalian.
Ayon pa kay Lacson, ang Republic Act 1405, na ipinatupad noong 1955, ay nagsasaad na lahat ng bank deposit ay “strictly confidential.” Ngunit sa paglipas ng panahon, ito raw ay sinamantala ng ilang tiwaling opisyal upang takasan ang pananagutan, dahilan para mahadlangan ang mga pagsisikap na imbestigahan at sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






