Governor at 13 mayor, iimbestigahan sa alegasyon ng vote-buying

0
132

Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na kanilang iimbestigahan ang isang gobernador at 13 alkalde mula sa Luzon matapos ang mga alegasyon ng vote-buying kaugnay ng nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa pahayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, inaalam nila ang mga naiulat na insidente ng vote-buying na sangkot ang mga lokal na opisyal. “Meron po kaming iniimbestigahan na isang gobernador at 13 alkalde sapagkat sa mismong bahay pa nila at ibang pag-aari po nila naganap ang mga alegasyon,” ani Garcia.

Bagamat hindi pa binanggit ni Garcia ang mga pangalan at eksaktong lokasyon ng mga opisyal, ipinaalala niya sa mga lokal na opisyal na huwag makialam sa BSKE. “Sinasabi po natin sana hindi nakikialam ang mga opisyal ng lokal na gobyerno sapagkat alam ninyo lalo lang magugulo ang halalan sa barangay at SK,” dagdag niya.

Gayunpaman, nagpahayag rin si Garcia na may posibilidad na ang ilang ulat ay “fake news” lamang, kaya’t kinakailangan ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga tunay na may sala.

Kapag nakalap ang positibong ebidensya, ipinangako ni Garcia na agad silang magsasampa ng mga kaso kaugnay ng vote-buying, alinsunod sa Omnibus Election Code.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo