Graduating archi student, ginahasa, pinatay sa sakal

0
531

SAN JOSE, Occidental Mindoro. Kalahating milyong piso ang nakalaang pabuya para sa sino mang makapagtuturo sa humalay at pumatay sa isang graduating college student sa bayang ito.

Ayon sa report ng San Jose Municipal Police Station, ang biktima na kinilalang si Eden Joy Villacete, 22 anyos na graduating architecture student sa Occidental Mindoro State College ay natagpuang patay sa isang boarding house sa Brgy. 7 sa nabanggit na bayan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, naalarma ang mga kaklase ni Eden Joy nang hindi ito pumasok sa paaralan ng dalawang araw.

Nag-alala rin ang kanyang mga kapatid at pamilya dahil hindi siya nagpadala ng anumang mensahe sa kanila.

Agad na nagpunta sa tinutuluyang boarding house ng estudyante ang kanyang mga kaklase at magulang at doon natagpuan nila ang masangsang na amoy ng bangkay ng biktima.

Ang bangkay ni Villacete ay puno ng pasa sa katawan, may anim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, walang kasuotang pag ibaba, at may marka ng sakal gamit ang kawad.

May mga palatandaan na naglaban ang biktima laban sa mga suspek dahil nagkalat ang mga gamit sa loob ng kwarto ni Villacete.

Kaugnay nito, naglaan ng halos kalahating milyong piso ang mga opisyal ng Pamahalaang Lokal ng San Jose sa pangunguna ni Mayor Rey Ladaga bilang pabuya sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga salarin na pumatay at sumalaula kay Eden Joy.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.