Graft isinampa laban sa 20 DPWH officials, 4 kontratista

0
380

MAYNILA. Nagsampa ng kasong graft ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman laban sa 20 opisyal ng ahensiya at apat na kontratista kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Pinangunahan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagsasampa ng kaso na kinabibilangan ng malversation through falsification of public documents, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Government Procurement Act.

Kabilang sa mga pinangalanang respondents ang St. Timothy Construction Corporation na kinakatawan ni Sarah Discaya; dating DPWH district engineer Henry Alcantara; at dating Bulacan 1st District assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.

Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso ang mga opisyal ng DPWH na sina John Michael Ramos, Ernesto Galang, Lorenzo Pagtalunan, Norberto Santos, Jaime Hernandez, Floralyn Simbulan, Juanito Mendoza, Roberto Roque, Jolo Tayao, Benedict Matarawan, Christina Mae Pineda, Paul Jayson Duya, Merg Laus, Jaron Laus, Lemuel Roque, Arjay Domasig, John Carlo Rivera, John Francisco, at iba pang hindi pa pinapangalanang John Does at Jane Does.

Nakabilang din sa mga kinasuhan ang SYMS Construction Trading na kinakatawan ni Sally Santos; Wawao Builders na kinakatawan ni Mark Allan Arevalo; at IM Construction Corporation na kinakatawan ni Robert Imperio.

Ayon kay Dizon, ang mga kaso ay kaugnay ng limang flood control projects na pinaniniwalaang maanomaliya. Tiniyak niya na hindi rito nagtatapos ang imbestigasyon. “Simula pa lamang ito at marami pa kaming pananagutin,” aniya, kasabay ng anunsyo na sisimulan na rin ang proseso ng pagsibak sa mga sangkot.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.