Gun for hire suspect arestado; mga baril, bala at granada nakumpiska

0
498

Balayan, Batangas. Arestado ang hinihinalang gun for hire na suspek at nakumpiska sa kanya ang granada, ilang baril kaninang madaling araw sa bayang ito.

Sa ulat na isinumite ni PCol Noel D. Nuñez, Chief of Regional Intelligence Division ng PRO CALABARZON, kinilala ang suspek na si Lorenzo Pedraza Holgado, 55 taong gulang at residente ng No.388, Brgy. Santol, Balayan, Batangas.

Inaresto ang suspek bandang 2:10 AM ng Abril 8, 2022, sa kanyang tirahan ng pinagsanib na operatiba ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 4A, Regional Special Operations Unit (RSOU) 4A, Regional Intelligence Unit (RIU) 4A, ISAFP at Balayan Municipal Police Station sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Carolina Faustino De Jesus-Suarez, ang Presiding Judge ng Branch 108, 4th Judicial Region, Regional Trial Court, Balayan Batangas.

Nakumpiska sa possession at control ng suspek ang caliber .45 Taurus pistol na may serial number NBU14723, caliber .45 Armscor pistol na may serial number 1445735, isang MK2 fragmentation hand grenade, isang caliber .9mm replica Bruni MOD 92 na may magazine at dalawang bala, pitong magazine. at 61 pirasong bala ng caliber .45, isang black inside holster para sa caliber .45, at isang black case para sa caliber .45 Armscor.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang suspek ay isa umanong gun for hire na inupahan ng mga walang prinsipyong pulitiko.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act kaugnay ng Comelec Resolution No. 10728.

Pinuri ni Police Regional Office 4A (CALABARZON) Regional Director, PBGEN Antonio C Yarra ang pagsisikap ng kanyang mga tauhan para sa matagumpay na pagpapatupad ng search warrant. “Ang inyong pulis CALABARZON ay mananatiling matatag sa pinaigting na kampanya nito at upang matiyak ang ligtas na Pambansa at Lokal na Halalan 2022 ngunit upang matiyak din ang kaligtasan at kapayapaan at kaayusan sa rehiyon,” ayon sa kanya

Samantala, pinalakpakan ni Chief PNP PGen Dionardo B. Carlos ang PRO CALABARZON. “Ang paghabol sa mga posibleng gun-for-hire na indibidwal at pag-agaw ng mga loose firearms ay malaking hakbang sa pagtiyak na magiging ligtas at secure ang daratinh na Pambansa at Lokal na Halalan, ayon kay Carlos.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.